ANTIQUE – Igagawad ng Department of Education ang unang Palaro Lifetime Achievement award kay SEA Games long jump Queen Elma Muros Posadas.

Ito ang unang pagkakataon sa ika-60 taong kasaysayan ng Palarong Pambansa na magbibigay ng parangal sa alumnus ng Palaro.

Kaakibat ng nasabing pagkilala ang halagang P50,000 at isang espesyal na plake para sa kanyang naiambag at patuloy na iniaambag sa pagtuklas at paghubog sa mga kabataang atleta magmula noong magwagi siya sa Palaro sa edad na 14 noong 1981.

Ayon kay DepEd assistant sectetary Tonisito Umali, ang pagkakahirang sa ipinagmamalaking anak ng Magdiwang, Romblon ay mula sa consensus ng mga mga opisyal ng Kagawaran.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa kasalukuyan, kasama ni Muros ang kabiyak na si Jojo Posadas sa paghubog sa mga talento ng mga atletang estudyante.

“Very active and visible pa rin kasi si Elma, kasi hanggang ngayon nagku-compete pa rin siya sa Masters level at nagko-coach pa rin sa iba’t-ibang mga universities sa Manila, “ pahayag ni Umali.

“At saka maganda ‘yung sinimulan nila ni Jojo na yung mga batang barumbado na nakikita nilang may kakayahan, hinihikayat nilang bumaling sa sports, “ aniya.

Ayon pa kay Umali sa mga susunod na taon, kukuha rin sila sa hanay ng sports media upang maupo bilang isa sa mga pipili ng mga susunod nilang gagawaran ng karangalan.

Kabilang sa mga pangalang kinukunsidera upang makahanay ni Muros-Posadas bilang Lifetime Achievement awarded sina dating Asia’s Sprint Queen Lydia De Vega Mercado, dating SEA Games outstanding athlete at naging chairman ng Philippines Sports Commission na si Eric Buhain at dating SEA Games champion Isidro Del Prado. (Marivic Awitan)