PORMAL na pinatalsik ng University of Santo Tomas ang Far Eastern University sa semifinal race ng UAAP Season 79 women’s football tournament sa pamamagitan ng 4-2 panalo sa mismong home pitch ng Lady Tamaraws kahapon sa Diliman, Quezon City.

Nauna pang naka-goal ang Season 77 champions sa pamamagitan ni Jean Kadil, ngunit iyon una at huling paglamang sa laban dahil agad kinabig ng UST ang bentahe matapos ang dalawang sunod na goal mula kay Bebe Lemoran na naglagay sa Tigresses sa 2-1 pangingibabaw pagkatapos ng first half.

Ayon kay Tigresses head coach Aging Rubio, talagang pinaghirapan ng koponan na palakasin ang kanilang stamina na naging problema nila sa first round.

“Na-address namin yung problem namin sa stamina. Wala kaming break, pero light lang ang training, may road run tapos daan sa Quiapo, road run tapos sa Malate Church. Puro road run,” pahayag ni Rubio .

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Sa second half, dinoble ni Thea Sumilang ang kalamangan kasunod ng kanyang goal limang minuto matapos ang break hanggang sa itaas ito ni Cheiah Cadag sa tatlo sa pamamagitan ng isang free kick sa ika-76 minuto.

Nagsikap pang humabol ng Lady Tamaraws ngunit hindi nila malusutan ang depensa ng Tigresses.

“Masaya,” ayon pa kay Rubio. “Lumabas lahat sa laro yung dinesign naming plays at yung pinaghandaan namin. Yung puso and determination nila lumabas.”

“Last year, nasa bottom kami. Ang gusto lanag namin is mawala sa bottom. Tapos ngayon second kami. Sobra-sobra na yun. Bonus na kung manalo kami sa La Salle,” dagdag nito. (Marivic Awitan)