ISANG “simpleng” selebrasyon ang idaraos ngayong Lunes para sa ika-90 kaarawan ni Benedict XVI, na ginulat ang Simbahang Katoliko nang magbitiw bilang Santo Papa noong 2013.
Sinabi ng personal secretary at matagal nang umaayuda sa retiradong Santo Papa, si Monsignor Georg Gaenswein, sa Katolikong news agency ng Italy na ang kaarawan ni Benedict, na natapat sa Linggo ng Pagkabuhay ngayong taon, ay ipagdiriwang ngayong Lunes sa estilong Bavarian, bilang pagbibigay-pugay sa pinagmulan ng emeritus pontiff.
“There will be a small moment of celebration in keeping with his strength,” sinabi ni Gaenswein tungkol sa mahina nang si Benedict.
Idinahilan ni Benedict ang nanghihina niyang kalusugan nang ihayag niya ang desisyong magbitiw sa tungkulin, ang kauna-unahang Santo Papa na bumaba sa puwesto sa nakalipas na 600 taon.
Dadalo sa selebrasyon ang delegasyon mula sa Bavaria at ang nakatatandang kapatid ni Benedict na si Monsignor Georg Ratzinger. Ang pagbisita ng kapatid ang “the most beautiful” na regalo, ayon kay Gaenswein.
Abril 16, 1927 nang isinilang ang dating si Joseph Ratzinger sa katimugang Germany. Nagpakadalubhasa bilang theologian, matagal siyang naging opisyal ng Vatican na itinalaga upang tiyakin ang doctrinal orthodoxy nang mahalal na Santo Papa noong 2005.
Sa nakalipas niyang mga kaarawan, nakita si Benedict na nagdiriwang sa pag-inom ng serbesa.
Sinabi rin ni Gaenswein sa news agency na si Benedict ay “serene, in good humor, very lucid”.
“Certainly, his physical strength is lessening. It’s hard for him to walk. However, he uses a walker, which ensures autonomy in movement and safety,” dagdag pa niya.
Ang buhay-retirado ni Benedict sa isang monasteryo sa Vatican City ay tinatampukan ng “prayer, meditation, reading, study, correspondence,” ayon kay Gaenswein. “He has visitors, too. Music certainly still has its place, together with a daily walk.”
Sinabi ni Vienna Cardinal Christoph Schoenborn sa Catholic Italian TV station TV2000 na si Benedict “reached the decision (to retire) through prayer. Perhaps he sought the advice of someone, but he certainly didn’t resign due to outside pressures.” (Associated Press)