SIGURADONG magdadagdag ng kulay ngayong summer ang mga bagong programang ihahatid ng GMA Network.
Simula April 17, mapapanood na ang sexy dramedy series na D’ Originals na mainit nang inaabangan. Mapapanood sa D’ Originals ang tapatan ng tatlong misis at ng mga babaeng gugulo sa tahimik nilang buhay may-asawa.Â
Pinangungunahan ito ni Jaclyn Jose kasama sina LJ Reyes at Kim Domingo, gayon din sina Katrina Halili, Jestoni Alarcon, Mark Herras, Meg Imperial, Archie Alemania, at Lovely Abella.
Ihahatid din ng GMA-7 ang docu-reality show na susubok sa celebrity couples, in real or reel life, sa pakikipagsapalaran bilang mga magulang ng kanilang adoptive children.
Mapapanood ang Follow Your Heart, na pagbibidahan ni Heart Evangelista-Escudero, tuwing Linggo simula April 23.
Pagtuturo naman ng kabutihang asal ang dala ng Daig Kayo ng Lola Ko na pagbibidahan ni Ms. Gloria Romero. Makakasama niya rito sina Jillian Ward, David Remo, Chlaui Malayao, at Julius Erasga, mula sa direksiyon ni Rico Gutierrez.
Ipalalabas ito simula April 30 at special guest sa pilot episode si Marian Rivera.
Magbibigay-pugay naman sa makulay na kuwento ng overseas Filipino workers ang Tadhana, ang kauna-unahang OFW-themed weekly anthology ng network. Sa pangunguna ni Marian Rivera, ipakikita ng programa kung papaano mamuhay, pati na magmahal, ang ating mga kababayan sa ibang bansa. Mapapanood ito simula sa Mayo.
Balik-telebisyon din sa Mayo ang pinakaunang GMA-produced TV drama na ipinalabas sa ibang bansa, ang Impostora. Ang remake ng matagumpay na serye ay pagbibidahan ni Kris Bernal kasama ang kanyang leading man na si Rafael Rosell.
Makakasama rin nila ang mga de-kalibreng actor na sina Ryan Eigenmann, Assunta de Rossi, Elizabeth Oropeza, Aicelle Santos, Vaness del Moral, Leandro Baldemor, Sinon Loresca, Yuan Francisco, Dayara Shane, at James Blanco.
Lilipad na rin sa Mayo ang Mulawin vs Ravena, ang pinakamalaking telefantasya ng GMA ngayong 2017 na pagbibidahan ni Dennis Trillo. Makakasama ng Kapuso Drama King ang mga bigating GMA artists na sina Carla Abellana, Lovi Poe, at Regine Velasquez-Alcasid. Mapapanood din dito sina Heart Evangelista-Escudero, Tom Rodriguez, at si Ariel Rivera. Tampok din dito ang love team nina Bea Binene at Derrick Monasterio, at Bianca Umali at Miguel Tanfelix.
Kabilang din sa Mulawin vs Ravena sina Kiko Estrada, Valerie Concepcion, David Licauco at Roi Vinzon; mga Ravena: Chynna Ortaleza, Dion Ignacio, Winwyn Marquez and TJ Trinidad; at ang mga nasa mundo ng mortal: Angelu de Leon, Bobby Andrews, Joko Diaz, Charee Pineda at Nova Villa. Ang Mulawin vs Ravena ay mula sa direksiyon nina Dominic Zapata at Don Michael Perez.
Ipalalabas na rin ang Pinoy remake ng sikat na koreanovelang My Love from the Star. Sa direksiyon ni Bb. Joyce Bernal, bibigyang buhay ni Jennylyn Mercado ang tanyag na karakter ni Steffi at ang pinakabagong Kapuso heartthrob namang si Gil Cuerva ang gaganap bilang Matteo. Makakasama nila sina Gabby Eigenmann, Glydel Mercado, Christian Bautista, Jackie Rice, Renz Fernandez, Spanky Manikan, Melissa Mendez, at Nar Cabico.
Abangan ang mga programang ito ngayong summer sa Kapuso Network. Para maging updated sa mga paborito ninyong Kapuso show at artists, pumunta lamang sa www.gmanetwork.com o i-like at i-follow ang GMA sa Facebook, Twitter, at Instagram.