Sahiron_LEFT copy

ZAMBOANGA CITY – Sinabi ng isang mataas na opisyal ng militar sa Mindanao na plano nang sumuko sa gobyerno ng pinakamataas na leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) na si Radullan Sahiron.

“Radullan Sahiron is contemplating to surrender because he is old,” sinabi ni Lt. Gen. Carlito Galvez Jr., commander ng Western Mindanao Command (WestMinCom) ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sinabi ni Galvez sa Philippines News Agency (PNA) na ang isa sa mga kondisyon ni Sahiron sa pagsuko nito ay ang “not to turn him over to the U.S. government” kapag sumuko na ito sa gobyerno.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Si Sahiron ang pangunahing pinuno ng Abu Sayyaf sa Sulu dahil karamihan sa mga opisyal nitong nagtatag grupo ay napatay na.

Naglaan ang Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Amerika ng $1 million na pabuya sa ikadarakip ni Sahiron.

“We see that not only those in the lower ranks of the ASG are expressing their desire to surrender because they're already feeling the heat of the military operation. And they also feel the sincerity of the President (Rodrigo Duterte) to accept people who wanted to surrender,” sabi ni Galvez.

Ayon kay Galvez, nagpapatupad sila ng “non-lethal” approach sa pagresolba sa matagal nang problema sa Abu Sayyaf. Kabilang na rito ang rehabilitation program para sa mga dating bandido.

Aniya, ang nasabing approach ay ginaya ng AFP sa mga militar ng Indonesia at Malaysia, at naging matagumpay sa “decimating” ng mga miyembro ng Jemaah Islamiyah (JI).

“Even hardcore members (of Abu Sayyaf) are allowed to be rehabilitated. Alternative options are open to them. We might resolve the problem of the Abu Sayyaf Group peacefully,” sabi ni Galvez. “We know the story of the prodigal son...We should not closed the door for those who want to have a new beginning.”

Umabot na sa 16 ang kabuuang bilang ng mga miyembro ng Abu Sayyaf, kabilang ang dalawang sub-leader, na sumuko sa gobyerno kasunod ng utos ni Pangulong Duterte na durugin ang teroristang grupo sa loob ng anim na buwan, o hanggang sa Hunyo 30.

Sinabi ni Ben Saudi Sariol, isa sa 11 bandido na huling sumuko sa militar bitbit ang kani-kanilang armas, na pinili nilang mag-surrender dahil sa pinaigting na operasyon ng sandatahan laban sa grupo sa nakalipas na mga buwan.

“Gusto lang namin ng tahimik na buhay. Gusto naming nag-e-eskuwela ang aming mga anak, at kumita kami sa disenteng paraan. Mas ligtas na ang pakiramdam namin ngayon,” sinabi ni Sariol sa diyalektong Tausug.

Mahigit 40 miyembro na ng Abu Sayyaf ang napatay sa Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi simula nitong Enero. (PNA)