SA liturgical calendar ng Simbahan, ngayon ang ikapitong araw ng Holy Week. Tinatawag na Black Saturday o Sabado Santo. Tinatawag din na Sabado de Gloria. At sa araw na ito, nadarama pa rin ang anino at alaala ng Biyernes Santo sapagkat hindi pa muling nabubuhay si Kristo.

Ang Black Saturday ang masasabing pinakasimple sa lahat ng araw ng Semana Santa sapagkat mapapansing walang krus, kandila, bulaklak o ano mang dekorasyon sa altar ng simbahan. Ang kahulugan nito’y kailangang pagsisihan nating Kristiyanong Katoliko ang ating mga kasalanan na naging dahilan ng Kanyang paghihirap, pagpapakasakit at kamatayan sa krus.

Ang Black Saturday ay naglulundo sa paghihintay sa muling pagkabuhay ni Kristo na patuloy na nahihimlay sa libingan.

Dahil dito, kinakailangang ipagpatuloy ng mga Kristiyano ang kanilang via crucis o way of the cross. Ang ritwal ngayong Black Saturday ay magsisimula mamayang gabi. Ang ritwal na ito’y tinatawag na “Easter Vigil.”

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ayon sa liturhiya ng “Easter Vigil”, ang ritwal ay binubuo ng apat na bahagi. Ang unang bahagi ay ang tinatwag na “The Service o The Light” o ang Paglilingkod sa Liwanag. Ito’y ang pagbibendisyon sa apoy at tubig na isinasabay sa pagsisindi ng “Paschal o Easter Candle”. Ang bendisyon sa tubig at apoy ay ginagawa sa labas ng simbahan. Ginagawa ang bagay na ito upang bigyang-diin na si Kristo ang “Liwanag ng Mundo”.

Ang ikalawang bahagi ay ang meditation o pagninilay sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Diyos sa sangkatauhan. Sinasalitan ito ng pagbabasa sa mga aral at hula (prophecy) mula sa Lumang Tipan o Old Testament.

Ang pangatlong ritwal ay ang pag-awit o pagbasa sa litanya (litany) ng mga santo at ang pagpapanibagong-pangako sa binyag o renewal ng baptismal vow. At ang ikaapat ay ang Misa o Easter Vigil Mass. Matapos ang nasabing mga ritwal, ang napipi at hindi narinig na tunog o repeke ng mga kampana mula noong gabi ng Huwebes Santo ay muling masayang kakalembang.

Sa ibang simbahan tulad sa Parokya ni San Clemente sa Angono, Rizal na maraming tradisyon at kaugaliang binibigyang-buhay tuwing Semana Santa, makikita sa isang panig sa loob ng simbahan ang itinayong tila bundok na pinaglibingan kay Kristo.

Kasabay ng pag-awit ng choir ng “ Gloria in excelsis Deo” (Papuri sa Diyos) sa Misa, bubuksan ang “libingan” ni Kristo. Gugulong ang mga paper mache na bato, kasunod ang pag-ilanglang ng makapal na usok. Pagkatapos, unti-unting lilitaw ang malaking imahen ng “Risen Christ” o Kristong Muling Nabuhay. Sa pagpawi ng makapal na usok, makikita na ng mga nagsisimba ang kabuuan ng imahen ng Risen Christ. Kasunod na nito ang malakas na palakpakan ng mga nagsisimba at ipagpapatuloy na ang Easter Vigil Mass.

Sa bahagi naman ng tradisyong Pilipino tuwing Black Saturday, ang mga batang lalaki at binatilyo sa mga lalawigan ay nagpapatuli. Ang pagtutuli ay karaniwang ginagawa sa tabing ilog at dagat. May ngumangata ng murang dahon ng bayabas bago tulian at labaha ang gamit sa pagtutuli. Nakaatang ang balat ng ari ng tutulian sa isang sangkalang kahoy.

Ipapatong ang talim ng labaha sa balat ng ari at saka susundan ng mahinang pukpok. Pagkatapos, tatakbo ang batang tinulian at saka gagamutin ang sugat.