GINAPI ng University of the East ang Adamson, 1-0, nitong Linggo para tapusin ang elimination round ng UAAP Season 79 men’s football tournament sa impresibong kampanya sa Rizal Memorial Stadium.

Naisalpak ni Krysler Opeña ang tanging goal sa laro sa ika-82 minuto para sa ikatlong sunod na panalo ng Red Warriors.

Tinaguriang ‘giant killer’ matapos gapiin ang Final Four-bound team Far Eastern University at Ateneo, tinapos ng UE ang season sa ikapitong puwesto tangan ang 14 puntos.

Dahil sa panalo, iginiit ni rookie coach Fitch Florence Arboleda na malaki ang tsansa ng koponan, kampeon sa liga noong 2001, na muling mangibabaw sa susunod na season.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“Yung mga players ko sobrang ready for next season. Walang mawawalang mga players, sana may dumagdag,” sambit ni Arboleda.

“Last three games namin, wala kaming mali. Good thing, yung conversion ng mga goal, galing sa mga play namin,” aniya.

Nagtapos sa ilalim ng team standings ang Falcons na may tatlong puntos. Ang tanging panalo ng Adamson ay kontra sa De La Salle sa first round.

Nakumpleto ang Final Four cast nitong Linggo nang sibakin ng Blue Eagles ang Green Archers, 2-0. Tangan ng Ateneo ang top seeding sa knockout semifinals na may 32 puntos, apat na puntos ang bentahe sa No.2 at defending champion University of the East (28).

Nakopo ng Tamaraws (22) ang No.3 spot at No.4 ang University of Santo Tomas (20).