TANTA, EGYPT/CAIRO (Reuters/AP) – Patay ang 49 katao sa pambobomba sa cathedral ng Coptic Pope at isa pang simbahan sa Palm Sunday, na nagbunsod ng galit at takot sa maraming Kristiyano at deklarasyon ng tatlong buwang state of emergency sa Egypt.
Inako ng Islamic State ang pag-atake, na ikinasugat din ng mahigit 100 katao at nangyari isang linggo bago ang Coptic Easter, at ang nakatakdang pagbisita ni Pope Francis sa Egypt sa huling bahagi ng buwang ito.
Naganap ang unang pagsabog sa Tanta, isang lungsod sa Nile Delta na may 100 kilometro ang layo mula sa hilaga ng Cairo. Pinasabog ng suicide bomber ang sarili sa loob ng St. George Church habang idinadaos ang misa para sa Palm Sunday. Namatay ang 27 katao at 78 ang nasugatan, ayon sa Ministry of Health.
Makalipas ang ilang oras ay pinasabugan naman ang Saint Mark’s Cathedral, ang makasaysayang trono ng Coptic Pope sa Alexandria, na ikinamatay ng 18 sibilyan at apat na pulis, at ikinasugat ng 48 iba pa, dagdag ng ministry.
Si Coptic Pope Tawadros II ang nangunguna sa misa sa Saint Mark’s Cathedral nang maganap ang pagsabog ngunit hindi siya nasugatan, ayon sa Interior Ministry. “These acts will not harm the unity and cohesion of the people,” aniya kalaunan.
Sinabi ng Islamic State na dalawang mandirigma nito na nakasuot ng suicide vest ang nagsagawa ng mga pag-atake, at nagbabala na marami pa ang kasunod.
Sa isang televised speech para sa bansa, nagdeklara si President Abdel Fattah al-Sisi ng tatlong buwang state of emergency sa buong bansa at nanawagan ng pagkakaisa. Hinimok niya ang media na mag-ingat sa pag-uulat.
“Deal with the issue with credibility, and responsibility and awareness,” aniya sa media. “It’s not right what I’m seeing being repeated on all of our channels, and you know this hurts Egyptians.”
Inatasan ni Sisi ang lahat ng mga tropa na tulungan ang pulisya sa pagtitiyak ng seguridad sa mahahalagang pasilidad at nangakong lalabanan ang terorismo sa Middle East.
Sa Vatican, kinondena ni Pope Francis ang nangyari at nagpaabot ng “deep condolences” sa Coptic church at sa lahat ng Egyptian. Sinabi niyang ipinagdarasal niya ang mga namatay at nasugatan sa pag-atake na naganap ilang oras matapos niyang pangunahan ang Palm Sunday sa St. Peter’s Square.
Hiniling ng papa sa Diyos na “convert the hearts of those who spread terror, violence and death, and also the hearts of those who make, and traffic in, weapons.”