MASAMANG pangitain ang naghihintay kay WBO welterweight champion Manny Pacquiao sa kanyang depensa sa Hulyo 2 laban kay No. 2 contender Jeff Horn dahil kilala ang Australia sa hometown decisions tulad ng South Africa, Japan at Thailand.

Pinakahuling nagreklamo sa WBC si dating WBA interim light flyweight champion Randy Petalcorin na tatlong beses pinabagsak si Australia-based Tanzanian Omar Kimweri noong Abril 15, 2016 sa Melbourne, Victoria pero natalo pa rin sa kontrobersiyal na 12-round split decision.

Hindi binaligtad ng WBC ang garapal na desisyon pero pinanatili si Petalcorin sa WBC rankings kaya nakalistang No. 7 challenger sa kampeong si Ganigan Lopez ng Mexico.

Limang Pilipino ang lumaban sa Australia kahapon sa pangunguna ni Philippine featherweight champion Randy Braga na natalo sa puntos kay Nathaniel May kahit dinomina ang laban kaya nabigong maiuwi ang bakanteng IBF bantamweight featherweight title sa sagupaan sa Bunbury, Western. Australia.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa undercard ng laban, natalo rin sa puntos si Pinoy boxer Junjesie Ibgos laban kay ex-WBC Oceania lightweight champion Brandon Ogilvie na nahablot ang bakanteng IBF Australasian 140 pounds title.

Sa sagupaan sa New South Wales, Australia, lumasap ng unang pagkatalo sa stoppage ang Cebuano at ex-WBC Youth super lightweight champion Sonny Katiandagho na tinalo sa 6th round TKO ni WBA No. 15 contender Darragh Foley kaya napanatili ang WBA Oceania junior welterweight belt.

Natalo rin si Pinoy journeyman Mark Sales sa 2nd round knockout kay OPBF welterweight champion Jack Brubaker at nabigo si dating IBO Asia Pacific lightweight champion Joel dela Cruz kay Australia-New South Wales champion Ben Savva via 5th round TKO sa kanilang welterweight bout. - Gilbert Espeña