MAGLULUNSAD ang Facebook ng isang feature na makatutulong upang matukoy ang pekeng balita at maling impormasyon na kumakalat sa serbisyo nito.

Ang feature, na gaya ng mga naunang pagsisikap para isulong ang privacy at seguridad, ay isang notification na ilang araw na sumusulpot. Kapag na-click ito, makikita ang tips at iba pang impormasyon kung paano matutukoy ang maling balita at kung ano ang maaaring gawin tungkol dito.

Kabilang sa mga paraan upang matukoy kung mali ang isang balita ay ang pagsusuri sa mga address ng website para malaman kung sinusubukan ba ng mga ito na i-spoof ang mga tunay na news site, at pagbusisi sa “about” sections ng mga website para sa iba pang impormasyon. Ang ilang site ay mukhang tunay na naghahatid ng mga balita sa unang tingin, ngunit kapag sinilip ang kanilang “about” sections ay matutukoy na sadyang satire lang ito.

Sinabi ni Adam Mosseri, bise presidente ng News Feed sa Facebook, na umaasa siyang magiging “more discerning consumers” ng balita ang mga tao.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang bagong feature ay bahagi ng mas malawak na plano ng Facebook upang tuldukan na ang pagpapakalat ng mga pekeng balita, na labis na pinagtutuunan ng atensiyon at mga pagtuligsa ilang buwan bago ang eleksiyong pampanguluhan ng Amerika noong 2016.

Ang Facebook “has been working very hard to figure out how to get their arms wrapped around this,” sabi ni Lucy Dalglish, journalism dean sa University of Maryland. “Facebook was always very interesting technology but not the social and civic implications of technology. It’s like they have become citizens.”

Pinuri niya ang kumpanya sa pagpapasaklolo sa mga eksperto, kabilang ang mga mula sa akademya, mga mananaliksik at mga non-profit journalism organization.

Halimbawa, nakikipagtulungan ang Facebook sa ibang organisasyon na nakatuon sa fact-checking at sa mga asosasyon ng media upang matukoy ang mga pekeng balita. At kapag natukoy na, babalewalain ng Facebook ang “economic incentives” ng mga false news site sa pagtiyak na mahihirapan ang mga itong bumili ng ads sa Facebook.

Ang iba pang pagpupursige ng Facebook ay kinabibilangan ng paglikha, katuwang ang iba pang mga kumpanya at mga group at tech leader, ng isang “news integrity” non-profit upang isulong ang kaalaman sa pagtukoy sa tunay na balita at pag-ibayuhin ang tiwala ng mga tao sa pamamahayag.

Ang bagong feature ay magagamit sa 14 na bansa pa lamang, kabilang ang Amerika, Germany, France, Italy, United Kingdom, Taiwan, Brazil at Pilipinas. (Associated Press)