Patay ang isang lalaki nang pagbabarilin ng isang rider habang naglalakad sa kalsada sa Binondo, Maynila kamakalawa.
Inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima na inilarawang nasa edad 35-40, nakasuot ng gray na t-shirt at pulang pantalon habang nakatakas naman ang hindi pa nakikilalang suspek na nakasuot ng puting helmet, itim at pulang jacket, shorts at puting sapatos, lulan sa pulang motorsiklo na hindi naplakahan.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Joseph Kabigting, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 3:49 ng hapon nangyari ang pamamaril sa Juan Luna Street.
Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera sa Barangay 289, Zone 27, District 3, naglalakad ang biktima nang masalubong nito ang suspek. Maya-maya’y huminto ang suspek at tila nagtalo ang dalawa.
Pinaandar umano ng suspek ang motorsiklo at ipinarada sa ‘di kalayuan at binalikan ang biktima saka pinaputukan sabay harurot palayo.
Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng suspek at biktima pati na ang motibo sa pamamaslang. (Mary Ann Santiago)