BILANG pagsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na gibain ang mga fishpen sa Laguna de Bay upang malayang makapangisda ang maliliit na mangingisda at gawing ecotourism zone ang lawa, nitong Abril 2, sa ikatlong pagkakataon, tuluyang giniba ang mga fishpen sa lawa.Apat na ahensiya ng pamahalaan ang nagtulung-tulong sa paggiba sa mga fishpen sa Laguna de Bay sa bahagi ng Binangonan at Cardona, sa Rizal.
Kabilang sa mga ito ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Laguna Lake Development Authority (LLDA), Philippine Navy, Philippine Coast Guard at ang Philippine National Police (PNP). Matatandaan na ang unang paggiba sa mga fishpen sa Laguna de Bay ay sa may bahagi ng Talim Island sa Binangonan at ang ikalawang paggiba ay sa bahagi ng Laguna de Bay sa Taguig City na ang may-ari ng mga fishpen ay mga retiradong heneral at mayayaman at maimpluwensiyang negosyante.
Habang ginigiba ang mga fishpen sa Laguna de Bay nitong Abril 2, nabalitaang nagtungo sa Malacañang ang isang grupo ng fishpen operator upang hikayatin ang pamahalaan na ipahinto ang paggiba sa mga fishpen. Ngunit naging suntok sa buwan at sabunot sa panot ang kanilang pakiusap.
Sa paggiba sa mga fishpen sa Laguna de Bay, upang mapabilis ang demolisyon, sinira ng mga tauhan ng pamahalaan ang mga lambat sa ilalim ng tubig. Dahil dito, maraming bangus ang nakawala sa mga fishpen. Maraming nahuli ang maliliit na mangingisda sa lawa. Bumagsak ang presyo ng bangus sa Binangonan at Cardona. Natatandaan ng inyong lingkod na bumabagsak ang presyo ng bangus kapag nagkaroon ng malakas na bagyo at nawasak ang mga fishpen sa Laguna de Bay.
Dahil sa maraming bangus na nakawala at nakatakas sa fishpen, nagdadalawang-balik sa lawa sa pangingisda ang maliliit na mangingisda sa Rizal at Laguna.
Ang paggiba sa mga fishpen sa Laguna de Bay sapagkat tapos na ang deadline ng mga fishpen operator noong Marso 31.
Una nang ipinag-utos ng DENR at LLDA sa mga fishpen operator na anihin na ang mga bangus sa kanilang mga fishpen bago sumapit ang Marso 31 at simulan na ang paggiba sa mga fishpen.
Bukod dito, nitong nagdaang Pebrero, naglabas ng one year moratorium ang LLDA sa Laguna de Bay habang sinusuri ang natural carrying capacity o kakayahan ng lawa para sa aquaculture.
Marami ang nagsasabi na maganda ang layunin ni Pangulong Duterte na mabigyan ng pagkakataon at kalayaan ang maliliit na mangingisda kaya ipinagigiba niya ang mga fishpen sa Laguna de Bay. Ngunit sa paggiba ng mga fishpen, may mabuti at masamang bunga ito batay sa pananaw ng mga taga-Rizal at iba pang nagmamalasakit sa lawa at ng mga dating mangingisda na umikot ang buhay sa Laguna de Bay. Babagsak ang negosyo ng mga fishpen operator. Aabot sa 50 porsiyento ng mga isda sa Laguna de Bay ang nirarasyon araw-araw sa Metro Manila. Tiyak, sa pagkawala ng mga fishpen, kakapusin sa supply ng isda ang Metro Manila. Marami ring taga-Rizal at Laguna ang mawawalan ng hanapbuhay, partikular na ang mga tauhan sa mga fishpen.
May mga nagsasabing kung tuluyan nang mawawala ang mga fishpen sa Laguna de Bay at ang lawa ay gagawing ecotourism zone, kailangang nakaantabay ang mga lokal na opisyal ng mga bayan sa lawa at tumulong sa paglilinis sa Laguna de Bay. Ayon naman sa ilang dating mangingisda sa Laguna de Bay, maaaring muling luminaw ang tubig sa lawa kung bubuksan ang Napindan channel. Dadami pa ang isdang mahuhuli sapagkat mabilis din ang pagdami ng mga isda. (Clemen Bautista)