Binalikan kahapon ni Senator Antonio Trillanes IV ang babae na nagsabing inalok ito ng kanyang kampo upang mag-imbento ng mga bintang sa usapin ng droga laban kay Pangulong Rodrigo Duterte, at hinamon itong magpakita ng video habang iniinterbyu ng kanyang kampo.

Ang tinutukoy ni Trillanes ay si Guillermina “Mina” Barrido, na gumagamit din ng pangalang Guillermina Arcilla, na humarap sa isang press conference nitong Miyerkules at nagpahayag na inutusan siya ng grupo ng senador, kabilang sina Atty. Jude Sabio at Father Alberto Allejo SJ, upang isangkot ang Pangulo sa isyu ng droga.

Itinanggi ng senador na nag-alok siya ng pera kay Barrido upang tumestigo laban sa Presidente, at sinabing si Barrido ang lumapit sa kanila noong Nobyembre 2016 at nag-volunteer ng impormasyon kung paano nito nakita si Duterte na tumitikim ng cocaine sa Davao City port.

Wala siya nang interbyuhin si Barrido sa Maynila pero sinabi ni Trillanes na isinalaysay nito kung paano naghintay mismo si Duterte at inilabas ang cargo shipment na naglalaman ng cocaine sa pier.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sa recorded video na inilabas ng opisina ng senador, sinabi ni Barrido na tinikman ng noon ay Davao City mayor ang kontrabando. Sinabi rin niya na natakot siya nang palihim niyang kunan ng litrato ang nangyayari sa port dahil maaari siyang barilin at patayin.

Pero sinabi ni Trillanes na hindi pumasa si Barrido sa credibility test nang salain bilang testigo.

Kung si Barrido ba ay supporter ni Duterte o ng ibang political group, sinabi ni Trillanes na hindi niya alam, dahil batay sa kanyang assessment, ‘tila gusto lamang magkaroon ng access ni Barrido sa kanya at sa opisina ni Sen. Leila de Lima.

Sinabi rin ni Trillanes na nakatanggap din sila ng impormasyon mula sa iba’t ibang overseas Filipino worker at mga grupo na si Barrido ay humihingi umano ng pera sa mga ito.

“From what I know, somebody gave her money from other groups, because she asked for it. We got communication from OFWs who told us Barrido asked them for money and they sent her. As far as I know, she was profiting from this kind of activity,” sabi ni Trillanes.

Kaya naman humihingi ngayon si Trillanes ng public apology mula sa media outlets na kumaladkad sa kanya sa kontrobersiya nang hindi muna bineberipika ang katotohanan. (Hannah L. Torregoza)