SA darating na second conference ng 2017 PBA D League, isang bagong koponan ang kumpirmadong miyembro -- ang Flying V Thunder.

Ito ang inihayag kahapon ng bagong member ng liga sa isang simpleng press conference na idinaos sa Fil-Oil Flying V Centre sa San Juan.

Nabuo ang konsepto para sa paglahok ng Flying V sa Developmental League ng PBA matapos hindi matuloy ang Countrywide Basketball League na binubuo ni dating national coach Joe Lipa.

Gayundin, ayon kay team manager Joey Guillermo, nais din ng may-ari ng Flying V na si Ramon Villavicencio na magbuo ng isang commercial team.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Napili naman nila at naging hands down choice para maging coach ng koponan si dating NU coach Eric Altamirano dahil bukod sa kilala at malapit ito sa pamilya Villavicencio. Maganda rin ang track record nito bilang isang mahusay na coach bukod pa sa napahanga nito si G. Ramon Villavicencio dahil sa nakitang improvement sa apong si Alonzo na nagkataong isa sa mga naging estudyante ni Altamirano.

Sa panig naman ni Altamirano, wala na aniya siyang balak na mag coach pagkatapos ng stint niya sa NU, ngunit hindi nya napahindian ang Flying V dahil na rin aniya sa magandang offer at sa iisang adhikain nila ng may-ari na si Villavicencio na pagsuporta sa grassroots program.

Bagama’t nakapag coach na sa D League bilang coach ng NU, nagpahayag ng kakaibang excitement si Altamirano sa pagkakataong muling makapag coach sa liga.

"I"m really excited in coaching Flying V in the D League," ani Altamirano na inaasahang makakabuo ng koponan pagkalipas ng Semana Santa.

"There's a list of players that we're looking up. But ther's no commitment yet.," ani Altamirano. "Right now everything's up in the air. "

Makakatulong ni Altamirano bilang mga assistant coaches ang mga dating deputies nya sa NU na sina Joey Guanio at Vic Ycasiano. (Marivic Awitan)