BAGAMAT nakuha ng Pilipinas ang atensiyon ng mundo dahil sa kampanya nito laban sa droga, karamihan ay batikos dahil sa malaking bilang ng mga pagkasawing iniuugnay dito, isa pang kampanya laban sa isa pang uri ng adiksiyon ang umani naman ng papuri mula sa World Health Organization (WHO). Ito ay ang kampanya ng gobyerno laban sa adiksiyon sa sigarilyo.
Sa nakalipas na mga taon, tuluy-tuloy ang pagkaunti ng bilang ng mga gumagamit ng sigarilyo sa Pilipinas, ayon sa kinatawan ng WHO sa bansa na si Dr. Gundo Weiler. Sa 2015 Global Adult Tobacco Survey (GATS), ang bilang ng mga naninigarilyo sa bansa ay kumpirmadong nabawasan ng 1.1 milyong katao—mula sa 17 milyon noong 2009 ay nasa 15.9 na milyon na lang ito noong 2015.
Pinuri ng opisyal ng WHO ang political will na ipinamalas ng mga opisyal ng Pilipinas sa nakalipas na mga taon sa pagsisikap na tuluyan nang matuldukan ang adiksiyon sa sigarilyo sa bansa. Tinukoy niya ang pagpapatibay sa Republic Act No. 10351, ang Tobacco Reform Law of 2012, na nagtataas ng buwis sa mga produktong sigarilyo at nag-oobliga sa pag-iimprenta ng mga nakasusuklam na litrato ng mga babalang pangkalusugan sa mga pakete ng sigarilyo.
Nakipagtulungan ang mga lokal na pamahalaan sa iba’t ibang panig ng bansa sa pamamagitan ng pagpapatupad ng sarili nilang limitasyon sa pagbebenta ng sigarilyo at sa pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong gusali.
Nakasaad sa RA 10351, na kilala rin bilang Sin Tax Law, ang pagpapatupad ng two-tier tax rate simula 2013 hanggang sa 2016. Ikinokonsidera ngayon ng Kongreso ang panukalang papalit sa RA 10351 habang inihayag naman ni Health Secretary Paulyn Jean Ubial ang paninindigan ng kagawaran na sa halip na ibalik ang two-tier tax system para sa mga brand na mamahalin at hindi masyadong mataas ang presyo, dapat na dagdagan na lang ng bagong batas ang buwis sa sigarilyo upang maging pahirapan na ang pagbili sa mga ito.
Bukod sa mga debate sa Kongreso, suportado rin ni Pangulong Duterte ang kampanya laban sa adiksiyon sa sigarilyo at inihayag pang sa malapit na hinaharap ay magpapalabas siya ng executive order na higit na maghihigpit sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa bansa.
Sa lahat ng mga pagsisikap na ito, pinuri ng World Health Organization ang Pilipinas. Dahil sa pagpupursigeng ito ay nabawasan na ng 20 porsiyento ang bilang ng mga naninigarilyo sa bansa sa nakalipas na pitong taon, bagamat nasa 87,000 Pilipino pa rin ang namamatay sa mga sakit na may kinalaman sa paninigarilyo, partikular na ang kanser sa baga, taun-taon. Patuloy na susuportahan ng WHO ang gobyerno ng Pilipinas sa kampanyang ito, pagtitiyak ni Dr. Weiler.