LINGID marahil sa kaalaman ng marami, lalo na sa mga naninirahan sa kalunsuran, talagang nakababahala na ang kabi-kabilang agricultural land conversion sa pagsusulong ng mga programa sa pagsasaka. Isipin na lamang na patuloy na lumiliit ang mga bukiring binubungkal ng ating mga magsasaka; ang naturang mga lupain ay mistulang pinapatag ng mga land developer upang pagtayuan ng malalaking gusali at mall; ang iba naman ay ginagawang mga subdivision para sa mga programa sa pabahay.
Ang mga nagtatayo ng ganitong mga proyekto ay patuloy na nakapapamayagpag dahil na rin sa maluwag na pagpapatupad ng gobyerno ng agricultural land conversion program na nilalahukan ng pribadong sektor. Ang masasalaping negosyante lamang ang may kakayahang bumili ng malalawak na lupang sakahan para sa mga proyektong nais nilang ipatayo. Hindi mapigilang matukso ang mga magsasakang may-ari ng sakahan dahil na rin sa masyadong nakatutukso ang itinutumbas na halaga sa kanilang mga ari-arian.
Ito naman ang inaasahan ng naturang mga dambuhalang mamumuhunan. Marahil ay hindi nila alintana ang nakapanlulumong epekto ng gayong sistema ng pagnenegosyo sa kabuhayan ng mga mambubukid at ng mismong bansa natin. Ang pagliit ng lawak ng mga lupaing sinasaka ay nakaaapekto sa ating food security o katatagan ng ating pagkain. Isa itong malaking kabiguan upang matamo natin ang sapat na pagkain o rice sufficiency.
Hindi dapat magtulug-tulugan ang Duterte administration sa harap ng nasabing nakababahalang pananamantala ng ilang negosyante sa kaluwagan ng agri-land conversion program. Hindi ko matiyak kung hanggang saan na ang narating ng isang Executive Order (EO) na nakatakdang lagdaan ng Pangulo hinggil sa pagtatakda ng moratorium sa matagal nang itinakdang agricultural land conversion ban. Layunin ng nasabing EO na alisin muna ang nabanggit na pagbabawal sa loob ng dalawang taon o hanggang sa 2018.
Ang bahaging ito ng naturang presidential order ang mahigpit na tinututulan ng ilang sektor. Ako man ay naniniwala na hindi lamang dalawang taong moratorium ang kailangan; mahabang panahon ng pagbabawal sa naturang land conversion ang nararapat... upang ang nasabing malawak na sakahan ay maiukol sa puspusang produksiyon ng palay at iba pang pananim at mga gulay hindi lamang para sa mga magsasaka kundi para sa mga mamamayan.
Ang mga agri-land ay hindi dapat paliitin dahil lamang sa kapakinabangan ng ilang malalaking mamumuhunan; dapat pa ngang palawakin, paunlarin at patubigan ang mga ito upang lalong sumagana ang ating ani. (Celo Lagmay)