Nababahala si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na posibleng maapektuhan ang seguridad at ekonomiya ng bansa sa oras na matuloy ang bantang mass leave ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) na nakatalaga sa mga international airport.

Nagbanta ang mga kawani dahil hindi sila nababayaran ng overtime pay mula pa noong Enero.

Ayon kay Aguirre, kung walang tatao sa mga immigration counter sa mga international ports, magiging mapanganib ito sa pambansang seguridad dahil walang sasala at magpoproseso sa mga dumarating na pasahero.

Nadarama na ang problema sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sa isang radio interview kahapon, inamin ni Aguirre na humahaba na ang pila sa mga immigration counter dahil iilan na lang ang pumapasok na immigration officer.

Bukod sa usaping pangseguridad, makakaapekto rin ang mass leave sa ekonomiya, partikular na sa turismo, dahil hindi malayong madismaya ang mga turista na nais magtungo sa bansa, dagdag ni Aguirre.

Naniniwala siya na nangangailangan ng agarang solusyon ang problema lalo pa’t nalalapit na ang bakasyon para sa Semana Santa kung kailan inaasahang daragsa ang mga bibiyahe sa bansa. (Beth Camia)