NAGSAGAWA kamakailan ng lightning rally ang New People’s Army (NPA) sa Cubao, Quezon City sa ika-48 anibersaryo ng pagkakatatag nito. Ang NPA ay armadong grupo ng Communist Party of the Philippines (CPP). Nanghihikayat ang grupo ng mga gustong sumapi.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines, mga bayaran daw ang mga nag-rally. Mahirap yatang paniwalaan ito. Mayroon bang gustong ilagay sa panganib ang kanyang buhay gayong pinakamainit sa mga sundalo ang NPA? Kahit ba magkakuwarta ito kung ano mang oras ay puwede siyang mapatay o madakip.
Mas tinitingnan ko na insulto sa AFP ang lightning rally na ginawa ng NPA dahil wala itong nagawa gayong harap-harapan na ngang lumantad ang mga kalaban at nagre-recruit pa ng miyembro.
Pero, kahit ano man ang ipakuhulugan dito, maliwanag na lumalakas ang loob ng NPA. Hindi ito dahil may mga makakaliwang opisyal ang gobyerno sa ilalim ni Pangulong Digong. Kahit ano mang oras ay puwede naman silang patalsikin mismo ng Pangulo o ng mga kaalyado niya sa Kongreso, tulad ng mga nasa Commission on Appointments.
Ang mga ginagawa ng mga nasa gobyerno simula nang patakbuhin ito ni Pangulong Digong ang dahilan. Una na rito ang pagtupad umano niya sa kanyang pangako na sugpuin ang krimen at ilegal na droga. Mula nang ilunsad niya ang kampanya laban sa droga, walang araw na walang napapatay ang awtoridad. Nanlaban daw ang mga napatay sa mga pulis nang sila ay sitahin o dakpin dahil sangkot sila sa droga. May mga taong natagpuan na nakahandusay sa kalye na wala nang buhay na may karatula na nagsasabing may kinalaman sila sa droga. Ang problema, maliwanag na ang mga pinatay ay mga dukha na nakatira sa mahihirap na lugar. May mga inosenteng isinama sa operasyon dahil hindi nila natagpuan ang kanilang sadya.
Gayunman, may nasasabat pa rin... ang mga maykapangyarihan na bultu-bulto ng droga. May nadidiskubre pa rin silang pagawaan ng mga droga. Sa mga responsable rito, wala namang naiulat na napatay. Ang nagpapabigat pa sa damdamin ng mga naulila ay ang laging sinasabi ng Pangulo na sagot niya ang mga pulis na sumunod sa kanya sa pakikidigma niya laban sa droga.
Sa kabilang dako, hindi naman nagbabago ang buhay ng mahihirap. Mahirap pa rin sila. Patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Kung totoong malaking porsiyento ng mamamayan ang naniniwala sa Pangulo na dinadala niya sa tamang direksiyon ang bansa, bababa rin ito kung ang kaapihan ay magpapatuloy.
Hindi na kailangan pang manghikayat ang NPA para sumapi sa kanila. Palolobohin lang nila ang kanilang hanay tulad ng kahirapan at kaapihan na naganap noong panahon ng diktadurya. (Ric Valmonte)