Seryosong binigyang-diin ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa kabila ng madalas niyang pagbibiro sa mga babae ay labis ang respeto niya para sa mga ito.

“Palabiro lang ako. Kaya ‘yang ginagawa ko sa kanila, ganon ang style ko,” sinabi ng Presidente nang magtalumpati siya sa “Digong’s Day for Women” sa Malacañang nitong Biyernes ng gabi.

“Pero hindi ako bad boy talaga, huwag kayong maniwala diyan sa—kilala kilala naman n’yo. Kailan ba ako nagbastos ng babae?”

Kasabay nito, tiniyak din niya sa publiko na wala na siyang ibang karelasyon bukod sa kanyang common-law wife na si Honeylet Avanceña, ang ina ng bunso niyang si Veronica.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Ngayon wala na [akong girlfriend]. No more. At dahil huli na talaga ako ngayon. Nahuli na ako. Nahuli na ako ni Honeylet,” aniya, na umani ng halakhakan.

Si Avanceña ang common-law wife ni Duterte matapos siyang legal na makahiwalay ng maybahay niyang si Elizabeth Zimmerman, ang ina nina Davao City Mayor Sara Carpio, Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, at Sebastian.

IPINAGTANGGOL NG KABABAIHAN

Samantala, idinepensa si Duterte ng mga babaeng opisyal ng gobyerno sa sinasabing “sexist” na komento nito sa ilang babae, kabilang ang pamumuri, pagbibiro tungkol sa extramarital affairs at pagpaswit bilang paghanga.

“I don’t want to be defensive about all these, but for women’s month, if we can have a forgiving heart. We voted for a President, we did not vote for a priest, we did not vote for a saint,” sabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Marie Banaag.

Nagbiro nitong Huwebes si Duterte na tatlo lamang sa halos 400 bago niyang itinalagang opisyal ang walang nobya.

Sinabi naman ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Emily Padilla na malayang makapagbibiro ang Presidente tungkol sa extramarital affairs dahil hindi naman ito kasal.

“When we say extramarital affair, the President is not married, so kaya niya gumawa ng ganitong remarks kasi, ‘di ba, hindi naman siya kasal, eh,” ani Padilla.

NANGUNGULILA KAY NANAY SOLING

Nang sumeryoso, ibinunyag ni Duterte na ang pinakamalaking panghihinayang niya sa kanyang buhay ay ang hindi na inabutan ng kanyang inang si Soledad, o “Nanay Soling” nang maging pangulo siya ng Pilipinas.

“My sorrow really is that makita lang naman niya sana ako naging Presidente,” ani Duterte. “But, of course, alam ko na hindi rin siya maniwala. Eh, pati nga ako eh, [hindi maniniwala] kung manalo ako.”

Inamin din ng Pangulo na masyado siyang malapit sa kanyang ina, dahil ito umano ang kaisa-isang taong nanindigan sa kanya.

Matatandaang ilang oras makaraang manalo sa halalan noong Mayo 2016 ay nagtungo si Duterte sa puntod ng ina at doon humagulgol. (ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS)