Supt. Lito Cabamongan_VICOY copy

Inaresto kahapon ng Southern Police District (SPD) ang isang high-ranking police official mula sa Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory matapos umanong maaktuhan sa isang pot session sa Las Piñas City.

Sa press briefing sa Las Piñas Police headquarters, iniharap sa media ni SPD director Chief Superintendent Tomas Apolinario, Jr. ang inarestong suspek na si Supt. Lito Cabamongan, 50, hepe ng PNP Crime Laboratory Service-Alabang Satellite Office sa Muntinlupa City.

Iniharap din ni Apolinario si Nedy Sabdao (babae), 44, ng Block 15, Tips Street, Barangay Talon 4, Las Piñas, na namataang kasama ni Cabamongan sa anti-illegal drug operation. Inaalam pa ang relasyon ng dalawa.

Mga Pagdiriwang

Ang mayamang tradisyong tatak ng 'Paskong Pinoy'

Ayon kay Apolinario, bandang 5:30 ng umaga inaresto sina Cabamongan at Nabdao makaraang makatanggap ng tip mula sa isang concerned citizen na may nagaganap ng pot session sa isang barung-barong sa Block 16, Lot 14, Everlasting Homes, Bgy. Talon 4.

Nang salakayin ng mga tauhan ng Talon Kuatro Police Community Precinct (PCP-6) ang barung-barong, nahuli sa aktong bumabatak ang dalawa.

Nagulat ang mga pulis nang malaman na opisyal ng PNP si Cabamongan matapos nilang hingin ang pangalan nito.

Nag-aapoy sa galit sina PNP director general Ronald Dela Rosa at National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde nang personal silang magtungo sa Las Pinas Police headquarters upang kumprontahin si Cabamongan.

“High ka ba? Adik ka? Sabog ka? Put*** *** mo nahuli ka doon nagsha-shabu ka?” bungad ni Dela Rosa sa “cocky” na si Cabamongan na tila naging malambot matapos makatanggap pagmumura sa hepe ng PNP.

Gayunman, sinabi ni Cabamongan na nagsisilbi siyang undercover agent upang arestuhin ang kasamahan na siya umanong tunay na sangkot sa droga. Ngunit, walang naibigay na pangalan si Cabamongan nang tanungin kung sino ito. Idinagdag pa niya na alam ng kanyang supervisor mula sa PNP Crime Laboratory ang kanyang operasyon.

Gayunman, sinabi ni Albayalde na alibi lamang ito ni Cabamongan.

“Very unlikely itong claim ng suspek dahil hindi naman siya operatiba ng anti-illegal drugs para mag-conduct ng ganoong operasyon,” pahayag ni Abayalde.

Nakumpiska mula kina Cabamongan at Sabdao ang apat na pakete ng hinihinalang shabu, dalawang lighter, tatlong aluminum foil strip, tatlong pakete na pawang may bakas ng hinihinalang shabu.

Kasalukuyang nakakulong sina Cabamongan at Sabdao sa Las Piñas Police headquarters at nahaharap sa kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (MARTIN A. SADONGDONG at BELLA GAMOTEA)