Sumabog ang isang improvised explosive device (IED) sa loob ng compound ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nitong Huwebes ng madaling araw.
Base sa ulat mula sa Kamuning Police Station, nangyari ang pagsabog sa paradahan sa harap ng gusali ng LTFRB, dakong 2:28 ng madaling araw.
Sa salaysay sa pulis ng security officers ng LTFRB, tinamaan nito ang dalawang naka-impound na sasakyan at parehong naapektuhan ang tangke ng mga ito.
Mismong si LTFRB spokesperson Atty. Aileen Lizada ang nagkumpirma sa nasabing insidente, sinabing isang pillbox, na naglalaman ng mga pako, ang inihagis ng suspek at bumagsak sa pagitan ng dalawang sasakyan.
Ayon kay Lizada, naniniwala siya na ang pakikipaglaban ng ahensiya sa kurapsiyon ang posibleng motibo sa pagpapasabog.
“The drive against corruption and colorum is high on our list. It may come from those (affected),” aniya.
(Vanne Elaine P. Terrazola)