MAAARI tayong matuto sa mga problemang kasalukuyang hinaharap ng administrasyong Trump sa United States.
Naranasan ni President Donald Trump ang una niyang malaking kabiguan noong Pebrero nang magpalabas siya ng executive order na nagbabawal sa pagpasok sa Amerika ng mamamayan mula sa karamihan ay bansang Muslim, na kaagad na sinopla ng mga korte sa ilang estado dahil sa paglabag sa constitutional ban sa diskriminasyon sa relihiyon. Binago niya ang direktiba at ginawang anim na bansa na lang ang naunang pito na pagbabawalan, ngunit tinanggihan din ito ng mga korte sa kaparehong dahilan. Nagdagdag ng katwiran ang isang korte sa Hawaii—ang istriktong pagbabawal ay makapipinsala sa industriya ng turismo ng bansa, na labis na dumedepende sa mga turista. Ito ang Strike One laban sa hakbangin ni Trump na higpitan ang mga patakaran laban sa pagpasok ng mga dayuhan sa mga estado ng Amerika sa matinding pangamba laban sa mga pag-atake ng terorista.
Nangyari naman ang Strike Two noong nakaraang linggo. Nabigo si President Trump na mapaaprubahan sa Kongreso ang kanyang healthcare plan na inasahan niyang papalit sa Obamacare ng kanyang hinalinhan sa puwesto. Ang pagbatikos ni Trump sa Obamacare ay naging malaking bahagi ng kanyang kampanya noong eleksiyon ngunit nang kumilos siya upang palitan ito ay nabigo siyang makuha ang kinakailangang bilang ng mga boto para maaprubahan ito ng US Congress — na ang mayorya ay binubuo ng kinabibilangan niyang Republican Party.
Ang nakadidismayang mga nangyari sa unang dalawang buwan ng administrasyon ni Trump ay nagbunsod ng mga katanungan tungkol sa kahihinatnan ng iba pang pangunahing usapin na mahalaga sa kanya, partikular na ang reporma sa buwis at ang paggastos sa imprastruktura. Sakaling mahadlangan siyang muli sa susunod niyang adbokasiya, isang napakalaking kabiguan ito para sa bagong presidente ng Amerika na ang mga ambisyosong ideya ay dinudurog ng realidad ng pamahalaan at pulitika sa Amerika.
Ang kaparehong realidad na ito ng malayang pagbibigay at pagtanggap ay umiiral din sa gobyerno at pulitika ng Pilipinas. Sa katunayan, nagawa ng ating Pangulong Duterte na isulong ang pinakamahahalaga niyang adbokasiya, partikular na ang kanyang kampanya laban sa banta ng ilegal na droga. Sa iba pang usapin, nagpamalas siya ng kahandaan na gumawa ng mga adjustment. Halimbawa, mahusay niyang naisaayos ang ugnayan ng Pilipinas sa Amerika, China, Russia, at sa iba pang bahagi ng mundo.
Makabubuting isaisip lagi ng mga pinuno ng mga demokratikong bansa na mahalaga ang opinyon ng iba pang mga pinuno — hindi lamang iyong nasa gobyerno kundi maging ang mula iba pang mga sektor ng lipunan, gaya ng simbahan, negosyo at grupong sibiko, at akademya—at dapat na ikonsidera sa pagsasagawa ng mahahalagang desisyon.