Patay ang isang babae nang barilin sa ulo ng ‘di pa nakikilalang suspek matapos umanong bumili ng shabu sa Malate, Maynila kamakalawa.
Hindi na umabot nang buhay sa Philippine General Hospital (PGH) si Elma Raga, 44, ng 2377 Arellano Avenue, Singalong, sa Malate habang bigo ang mga awtoridad na matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek, inilarawang nasa edad 40, nakasuot ng bullcap, may takip sa mukha at armado ng baril.
Batay sa ulat ni PO3 Jorlan Taluban, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 11:45 ng tanghali ay bumili ng dalawang sachet ng shabu ang biktima sa Cadena de Amor Street, kanto ng Dama de Noche St.
Makalipas ang ilang sandali ay bigla na lamang umanong nilapitan ng suspek ang biktima at saka binaril sa ulo.
Aminado naman ang asawa ng biktima, si Arman, na bumibili ng shabu ang kanyang misis, ngunit inuutusan lamang umano ito ng mga drug addict sa kanilang lugar. (Mary Ann Santiago)