Sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyon nito sa sinasabing pagkakasangkot ng ilang opisyal ng barangay sa ilegal na droga.
Sinabi ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa na ang pagsisiyasat ay batay sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte na may kopya na rin ang pulisya.
“The list is now with the DI (Directorate for Intelligence). There is now a move on the part of the PNP and the PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) to confirm that they are indeed involve in drug trade,” sabi ni Dela Rosa.
Una nang ibinunyag ni Pangulong Duterte na 40 porsiyento ng mga barangay chairman sa bansa ay sangkot umano sa bentahan ng droga.
Ito ang sinabi niyang dahilan kaya nais niyang ipagpalibang muli ang pagdaraos ng barangay elections at magtalaga na lang ng mga opisyal kapalit ng mga ito. Suportado ng kanyang mga kaalyado, partikular sa Kamara, ang nasabing plano ng Presidente.
Kapag nakumpirma na, sinabi ni Dela Rosa na maglulunsad na sila ng case build-up laban sa mga opisyal ng barangay na kumpirmadong sangkot sa droga.
“(Interior) Secretary (Mike) Sueno is leaving it up to the PNP for a case build-up,” sabi ni Dela Rosa.
Aniya, tututok ang imbestigasyon kung huminto na ang mga natukoy na opisyal sa kanilang ilegal na gawain.
Sakaling nakumpirmang tumigil na, sinabi ni Dela Rosa na bibigyan ng PNP ng pagkakataon ang mga ito na magbagong-buhay.
Kasabay nito, nagpahayag ng kumpiyansa ang Malacañang na magiging “proactive” ang Department of Justice (DoJ) sa pag-iimbestiga at pagpapanagot sa mga opisyal ng barangay na sangkot sa droga.
“This particular move not to hold barangay elections is precisely what the President has said again and again to make sure that they do not enter into active politics,” sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Ernesto Abella.
“If the DoJ finds that and I think they should initiate their own moves…I’m sure they can take initiative, be proactive about the matter,” dagdag ni Abella. (AARON B. RECUENCO at GENALYN D. KABILING)