Matapos ang tatlong araw na suspensiyon kaugnay ng mercury spill, maaari nang magbalik-klase ngayong Lunes ang mga estudyante ng Manila Science High School (MSHS).
Ang pagbabalik-klase ay kasunod na rin ng pagbibigay ng clearance ng Department of Health (DoH) matapos ang paglilinis sa mercury na aksidenteng tumapon sa hallway, sa harapan ng Science Laboratory stockroom na nasa ikalawang palapag ng main building ng paaralan.
Sa kabila nito, tiniyak ni DoH Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, tagapagsalita rin ng kagawaran, na patuloy pa rin silang nagsasagawa ng monitoring sa antas ng mercury sa gusali.
Pinangunahan mismo ni Tayag ang pagsusuri sa 280 estudyante sa Grade 8, at 276 sa Grade 9 na posibleng nalantad sa nakalalasong kemikal.
Ilalabas ang resulta ng pagsusuri makalipas ang dalawang linggo. - Mary Ann Santiago