HINIHIMOK ang mga lokal na pamahalaan na bumuo ng ordinansa na magdedeklara ng “closed season” o pansamantalang pagbabawal sa pangingisda ng sardinas at mackerel at iba pang uri ng isda na sagana sa kanilang lugar.

Inihayag ito ni Bureau of Fisheries and Aquatic Regional Director Remia Aparri nitong Miyerkules, at idinagdag na pinayuhan sila ni National Director Eduardo B. Gongona na maglaan ng ayudang teknikal sa mga lokal na pamahalaan sa paggawa ng mga lokal na ordinansa.

Alinsunod din ito sa tagubilin ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na dagdagan ang mga lugar na isasailalim sa closed season.

“It doesn’t have to be a national law,” aniya, tinutukoy ang taunang “closed season” para sa mga sardinas at mackerel sa Regions 4B, 5, 6, 7, 8, at 9, at nasasaklaw ng pinag-isang deklarasyon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, ng mga lokal na pamahalaan, at ng Department of Interior and Local Government.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sinabi ni Aparri na kailangang mapangasiwaan ang sardinas at mackerel para matiyak ang kasapatan ng isda.

Aniya, nagsisilbing pagkain ang sardinas sa mga tao dahil mura ito. Kinakain naman ng malalaking isda ang sardinas kaya naman mahalagang tumaas ang produksiyon ng huli.

Nakalilikha rin ng trabaho ang sardinas, gaya ng nangyayari sa Zamboanga, kung saan ginagawang de-lata ang mga sardinas para sa maramihang produksiyon.

Sa Huwebes, pagsama-samahin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Maynila ang mga stakeholder mula sa mga nabanggit na rehiyon para iprisinta ang iba’t ibang pag-aaral sa sardinas na maaaring gamitin sa paggawa ng polisiya sa pangangasiwa ng sardinas sa Pilipinas.

Paliwanag ni Aparri, hindi naman kailangan na itaon ang lokal na pansamantalang pagbabawal sa pangingisda sa taunang closed season tuwing Disyembre hanggang Marso. Aniya, nakadepende ito sa panahon ng pagpaparami ng isda.

“Actually, it’s not only sardines but also other species,” sabi ni Aparri. (PNA)