ZAMBOANGA CITY – Kusang sumuko sa militar ang isang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu, habang isa pang bandido ang inaresto sa Basilan.
Kinilala ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Capt. Jo-Ann Petinglay ang sumukong bandido na si Absara Mursalin Akbara, alyas Talin Amsang, 41, ng Talipao, Sulu; habang nadakip naman si Abdul Muhsin Nur, miyembro ng Furuji Indama group.
Sinabi ni Petinglay na sumuko si Akbara sa 41st Infantry Battalion bandang 10:00 ng umaga nitong Linggo sa Sitio Palan, Barangay Mampallam, Talipao, habang nadakip naman si Nur ng mga operatiba ng 18th Infantry Battalion sa Sitio Block 4, Barangay Bohe Pahu, Ungkaya Pukan, Basilan dakong 11:30 ng umaga nitong Lunes.
Isinuko rin ni Akbara ang kanyang M16 rifle, at inaming kasapi siya ng Jihad Susukan group na kumikilos sa mga munisipalidad ng Talipao, Maimbung at Indanan sa Sulu.
Sa paunang imbestigasyon, sinabi ni Akbara na pinili niyang sumuko sa pangambang siya ang maging susunod na target ng opensiba ng militar.
NAGPASABOG NG BOMBA SA LAMITAN
Samantala, isinisisi ng Basilan Police Provincial Police Office (PPO) sa Abu Sayyaf ang pagpapasabog ng isang improvised explosive device (IED) sa Lamitan City, nitong Linggo ng gabi.
Sinabi ni Basilan PPO Director, Senior Supt Nickson Muksan na sumabog ang IED pasado 10:00 ng umaga nitong Linggo na sumira sa bahagi ng KMC Hardware Building na pag-aari ni Chinchin Yumol.
Walang nasaktan sa pagsabog, ngunit bahagyang nag-panic ang mga residente sa lugar makaraang mabatid na isa pang IED ang natagpuan sa Pamaran Street sa Barangay Matatag, ilang metro lang ang layo sa lugar ng pagsabog.
(Nonoy E. Lacson)