Mga Laro Ngayon
(San Juan Arena)
8 n.u. -- UE vs FEU (m)
10 n.u. -- Ateneo vs. Adamson (m)
2 n.h. -- UP vs Adamson (w)
4 n.h. -- Ateneo vs NU (w)
MAS patatatagin ng Ateneo ang kapit sa liderato sa men's at women's division sa pakikipagtuos sa magkahiwalay na karibal sa pagpapatuloy ng aksiyon sa UAAP Season 79 volleyball tournament elimination ngayon sa San Juan Arena.
Makakatunggali ng defending men's back-to-back champions Blue Eagles ang sibak nang Adamson Falcons sa ikalawang laro ganap na 10:00 ng umaga, habang makakatapat naman ng Lady Eagles ang National University Lady Bulldogs sa tampok na laban ganap na 4:00 ng hapon.
"Every game, pinaghahandaan namin. Kung ano ang resulta ng every training, makukuha namin," sambit ni Lady Eagles assistant mentor Sherwin Meneses.
Sa iba pang laban, maghaharap naman sa unang laro ng men's division ganap na 8:00 ng umaga ang University of the East at ang Far Eastern University habang magsasagupa sa unang women's game ganap na 2:00 ng hapon ang University of the Philippines at ang Lady Falcons.
Parehas na nakakasiguro ng slot sa semifinals, target ng Blue Eagles ang ika-10 sunod na panalo habang asam naman ng Lady Eagles (9-1) ang ikasiyam na dikit na tagumpay.
Sa kampo ng Lady Bulldogs, sisikapin nilang sakyan ang nakuhang momentum ng nakaraang four-set win kontra Lady Warriors upang makapagsolo sa ikatlong posisyon kung saan magkasalo sila ngayon ng University of Santo Tomas (6-4).
"Kailangan yung kumpiyansa namin, bumalik. Kaya ang sabi ko, hangga't nandiyan kayo sa loob, nandiyan ang tiwala ko sa inyo. Iyon ang aking basehan," pahayag ni NU coach Roger Gorayeb.
"Bakbakan na iyan, hindi na sila aalis sa 1-2 (Ateneo and La Salle). Accept the truth, accept the fact na mahihirapan na kami na pumasok sa No. 2. Magpursige kami sa No. 3 or 4. Extra effort na lang kami,” aniya.
Para sa Lady Maroons, tatangkain din nilang kumalas sa ika-apat na puwesto kung saan katabla nila ang FEU Lady Tamaraws hawak ang barahang 5-5 sa pagtutuos nila ng wala na rin sa kontensiyong Lady Falcons na wala pa ring panalo matapos ang 10 laro. (Marivic Awitan)