MARAHIL ay batid ni Rep. Gary Alejano ng Magdalo Part-List na parang “suntok sa buwan” ang inihain niyang impeachment complaint laban kay President Rodrigo Duterte. Bukod sa popular pa hanggang ngayon si Mano Digong at bilib pa sa kanya ang mga tao, dominado ng mga alyado niya at ni Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez (Super Majority Coalition) ang Kamara. Ayon nga sa journalist friend ko, ang House of Representatives ay House of Alvarez ngayon!
May nag-post pa sa Facebook na isa ring kaibigain na ganito ang isinasaad: “May demokrasya nga sa Pilipinas, pero sa Kamara ay walang demokrasya.” Ibig ko sanang sagutin ito sa FB: “Tunay, hindi ba ang Kamara ay isang rubber stamp lang ng Malacañang.” Alam ng lahat na kung ano ang gusto ng Pangulo, ito ang nasusunod. Ewan lang sa Senado.
Halos lahat ng kongresista ay laging “Yes” at tango lang nang tango sa kagustuhan ng Punong Ehekutibo. Maliwanag na halimbawa ay ang botohan sa parusang kamatayan (death penalty bill). Hindi nakakontra ang mga mambabatas, maliban sa kakapurit na bilang ng oposisyon at ilang miyembro ng Super Majority Coalition na sinunod ang dikta at bulong ng budhi kaysa banta ni Alvarez.
Stupidy raw o malaking katangahan (kahangalan) ang paghahain ng reklamong impeachment laban kay PDu30, ang “pinakamamahal” nating Pangulo. “Every one is entitled to his own stupidity”, sarkastikong reaksiyon ng Speaker. May katwiran ang puno ng House of Alvarez sapagkat hanggang ngayon ay very popular pa si Mano Digong sa mga tao. Mataas pa ang approval at trust ratings niya sa Social Weather Station at Pulse Asia Survey.
Kung hindi man “suntok sa buwan” ang reklamo ni Alejandro, maaari ring tawagin itong “suntok sa hangin”. Pero, ‘di ba si Shakespeare ang nagsabing “Higit na mabuti ang magmahal kaysa kailanman ay hindi nagmahal”. Na ang ibig sabihin, kung may gusto ka, ihayag mo ito, kaysa hindi mo naihayag at nabigo ka. Maging si Sen. Panfilo Lacson ay sang-ayon sa paghahain ng impeachment complaint bagamat duda rin siya kung ito’y uusad.
Si Alejano ay kabilang sa mga sundalo o mutineers na umokupa noong 2003 sa Oakwood Hotel sa Makati City laban kay ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo. Kasama niya noon si Sen. Antonio Trillanes... IV at iba pang kabataan at ideyalistang opisyal ng Armed Forces of the Philippines. Siya ay nabilanggo tulad ni Trillanes. Sanay na siyang makulong.
Siyanga pala, si Manila City Mayor at dating Pangulong Joseph Estrada, ay tumayong ninong sa binyag ng anak nina Davao City Mayor Sara Duterte at lawyer Manases Carpio, na si Stonefish. Ang tunay na pangalan ni Stonefish ay Marko Digong Duterte Carpio. Ang dalawa pang anak ni Sara ay ipinangalan din sa isda: Sharky at Stingray.
Tiningnan ko sa Wikipedia ang isdang Stonefish. Ito pala ang pinaka-”venomous” fish sa karagatan o isdang may pinakamabagsik na lason! (Bert de Guzman)