NAGSAMPA ng 16 na pahinang impeachment complaint sa Office of the Secretary General ng Kongreso si Magdalo Rep. Gary Alejano laban kay Pangulong Rodrigo Duterte. Inakusahan niya ang Pangulo ng culpable violation of the Constitution, bribery, betrayal of public trust, graft and corruption at iba pang krimen. Kasama rito ang pagkamal niya ng mahigit P2 bilyon na hindi niya iniulat sa kanyang Statement of Assets and Liabilities Network (SALN). May mga bank receipt na inilakip ang Kongresista sa kanyang demanda.

“Suntok sa buwan,” sabi ni Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre sa reklamong ito ni Alejano. Puro alegasyon lang, aniya, at walang pinagbabatayang solidong ebidensya. “Alam naman po natin,” wika naman ni Speaker Pantaleon Alvarez, “na medyo tabingi yung inihain na impeachment complaint.” Madaling magsulat aniya ng culpable violation of the Constitution, pero ibang usapan kung mapapatunayan ito. Ayon sa kanya, gawa-gawa lang ang mga bintang sa Pangulo. “Kaya sinabi kong stupidity dahil mga hindi na kailangan pag-usapan, eh. Dahil wala talagang basehan, eh ‘di walang patutunguhan ‘di ba?” aniya.

Kung stupidity na maituturing ang ginawa ni Alejano, higit na stupidity ang ginawa ni Alvarez. Sukat ba namang alisan niya ng committee chairmanship ang mga Kongresistang bumuto laban sa death penalty kahit na nagbanta na siyang gagawin niya ito sa kanila kapag siya ay sinuway. Nais kasi niyang bumoto sila pabor sa parusang kamatayan na ito kasi ang prayoridad na panukala ni Pangulong Digong. Ang ginawang ito ni Alvarez ay stupidity dahil trinato niya ang kapwa niya halalal ng bayan na tagasunod lamang niya at inaring kanya ang mga committee.

Totoo, maaring sa ngayon ay suntok sa buwan ang impeachment. Kailangan kasi lagdaan ito ng 97 Kongresista para ma-impeach ang Pangulo. Pero sanay sa labanan si Alejano. Inihain niya ang impeachment complaint sa unang araw ng bakasyon ng mga mambabatas. Kaya, hindi na nila... maaaksiyunan ito hanggang hindi sila bumabalik sa muling pagbubukas ng Kongreso sa Mayo 2. Wala na silang panahon para basta-basta nila ibasura ito.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Samantala, ayon kay Sen. Antonio Trillanes, kasama ni Alejano sa Magdalo at sa Oakwood mutinee laban kay dating Pangulong Arroyo, malaking bagay ang mahigit na isang buwang recess ng Kongreso. Magbibigay umano ito ng pagkakataon para sa mga mambabatas na mapag-aralan ang reklamo. Umaasa siya at si Lejano na magaganap muli ang nangyaring botohan sa panukalang batas na nagbabalik sa death penalty kung saan may mga mambabatas na nagbago ang isip at sinunod ang kanilang konsensiya. Maaaring mangyari ito. Kalakip ng impeachment complaint ni Lejano ay mga dokumento na nagpapatunay na may mahigit P2 bilyon tagong yaman ang Pangulo. Kung ikaw ang mambabatas, hindi ka ba makokonsensiya na suportahan ang Pangulong nangangampanya laban sa droga at mahigit 8,000 na ang napatay sa proseso na halos lahat ay dukha? Hindi ka ba magdududa sa kanyang katapatan? (Ric Valmonte)