Limang katao, kabilang ang isang barangay chairman, ang namatay habang sugatan naman ang isang operatiba ng Arayat Police sa Pampanga makaraang manlaban ang mga suspek sa pagsisilbi ng mga pulis ng search warrant kahapon sa hinalang sangkot ang mga ito sa gun-for-hire.

Batay sa report ng Arayat Municipal Police, nakilala ang napatay na sina Melvin Guevarra, chairman ng Barangay Cupang, Arayat; Aldrin Luris, Jack Pineda, Fermin Batu at isang hindi kinilala ng pulisya.

Ayon kay Senior Supt. Joel Consulta, director ng Pampanga Police Provincial Office (PPPO), isisilbi lang sana ng mga pulis ang search warrant na inisyu ni Judge Celso Baguio, ng Nueva Ecija Regional Trial Court-Gapan nang sumiklab ang engkuwentro.

Subalit nanlaban umano kaagad ang mga suspek at dito na nagkapalitan ng putok hanggang sa mapatay ang limang suspek.

Probinsya

Minimum wage earners, kasambahay sa Caraga, may umento sa sahod!

Ayon sa report, napansin umano ni Pineda na mga pulis ang kaharap nila kaya kaagad umanong nagpaputok ang grupo nito at tinamaan ang hindi pinangalanang operatiba ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng PPPO.

Sinasabing inabot ng 40 minuto ang bakbakan na nagsimula bandang 2:00 ng umaga.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang baby armalite rifle, dalawang .45 caliber pistol at isang .38 caliber revolver.

Ayon kay Senior Supt. Consulta, ang mga suspek ay miyembro ng isang gun-for-hire group na kumikilos sa Pampanga.

(FER TABOY)