ZAMBOANGA CITY – Apat na miyembro ng Maute terror group na sangkot sa kidnapping, gun-for-hire, carnapping, extortion, at pagtutulak sa Lanao del Sur at Lanao del Norte ang naaresto nitong Huwebes ng madaling araw ng mga pulis at sundalo sa Lanao del Sur.
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Spokesman Capt. Joan Petinglay na nadakip ng mga pulis at sundalo sa Joint Task Force ZamPeLan (Zamboanga Peninsula and Lanao) ang apat na terorista bandang 3:00 ng umaga sa Lanao del Sur.
Kinilala ni Petinglay ang mga naaresto na sina Pao Panganga, alyas Pao Faizal; Alex Areg Bagul; Alisata Tumao Maute; at Saadra Macapanton Madayan.
Nakumpiska rin ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang tatlong matataas na kalibre ng baril, isang pistol, ilang improvised explosive device (IEDs), at drug paraphernalia.
Dawit ang apat sa pagpatay kay Supt. Abner Wahab Santos, dating director ng Marawi City Police Office, ayon kay Petinglay.
Sinabi pa ni Petinglay na sangkot din si Panganga sa serye ng pagdukot sa Marawi City, gayundin sa pag-kidnap kay Omira Lotao, kawani ng Mindanao State University, nitong Marso 5, 2017. (Nonoy E. Lacson)