Walong oras ang lumipas bago naapula ng Bureau of Fire Protection (BFP), bandang 7:00 ng umaga kahapon, ang sunog na tumupok sa isang bahagi ng MV Rina Hossana, ng Montenegro Shipping Lines, sa Batangas City.
Sinabi naman ni Cdr. Raul Belesario, station commander ng Coast Guard Station Batangas, na lima ang nasugatan sa insidente.
Ayon pa kay Belesario, nahila na rin ang nasunog na barko patungo sa Batangas Port, at natukoy sa inisyal na imbestigasyon na nasunog ang engine room ng barko at nadamay ang cardeck nito.
Inaalam pa ng awtoridad ang kabuuang halaga ng napinsala sa sunog.
Nabatid na galing sa Calapan Port ang barko at patungo sa Batangas Port nang magliyab sa bahagi ng Matoco Point sa Batangas City.
Kaagad inilikas ang nasa 88 pasahero nito at 26 na crew.
Samantala, na-rescue rin ang nasa 104 na pasahero ng MV Divina Gracia na sumadsad sa Malajibomanoc Island sa Batangas, bandang 10:30 ng gabi nitong Huwebes. (Beth Camia)