Tuluyan nang tinanggal ang P550 terminal fee o International Passenger Service Charge (IPSC) na binabayaran ng mga overseas Filipino worker (OFWs) sa Manila International Airport Authorities (MIAA).
Ayon kay Senador Nancy Binay, malaking tulong ito sa OFWs lalo pa’t umabot din sa 40 air carrier ang sumuporta na huwag nang singilin ang mga ito simula sa Abril 30, 2017.
“This is a welcome relief to our OFWs who have had to trade time which could have been spent with their loved ones in order to earn a living in other countries. Hindi biro ang P550 terminal fee na karagdagang pabigat sa ating mga OFW.
This fee should never have been shouldered by them in the first place,” ani Binay.
Aniya, ang integrasyon ng IPSC sa mga airline ticket na ipinatupad noong 2015 ay hindi makatarungan para sa OFWs.
“Taliwas sa Migrant Workers Act ang pagpataw ng nasabing fee, gayong sa ilalim ng batas na ito ay hindi na nila dapat iniintindi ang airport fee, travel tax at documentary stamp,” sambit ni Binay.
Ayon pa kay Binay, tama lamang na tanggalin na ang dagdag pasakit na ito sa mga kababayan nating nag-ipon o ipinangutang pa ang kanilang plane ticket. (Leonel M. Abasola)