Sinalakay ng pinagsanib na operatiba ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Martes ng gabi ang isang shabu laboratory sa Cainta, Rizal, na kayang makapag-produce ng nasa P250 milyon halaga ng ilegal na droga kada linggo.
Nasabat ng raiding team ang iba’t ibang uri ng kemikal, makina at apparatus na kinakailangan sa paggawa ng shabu sa loob ng isang abandonadong bahay sa isang eksklusibong subdibisyon sa Barangay San Isidro, Cainta.
Rumesponde sa tip ng isang impormante, sinalakay ng mga operatiba ng Cainta Police, Special Weapons and Tactics (SWAT) at PDEA ang dalawang-palapag na bahay sa panulukan ng Amadeo at Alfonso Streets sa loob ng Vista Verde Executive Village pasado 8:00 ng gabi nitong Martes.
Ayon sa raiding team, ang dami ng mga kemikal at apparatus na nadiskubre sa loob ng abandonadong bahay ay ang karaniwang mga gamit sa paggawa ng shabu, na sa sobrang dami ay kayang mag-produce ng mula 50 hanggang 100 kilo ng shabu sa loob ng isang linggo, o aabot sa P250 milyon ang halaga.
Sinabi ni Cainta Police chief, Supt. Elpidio Ramirez na ipinaalam sa pulisya ng may-ari ng bahay na kahina-hinala ang ikinikilos ng mga kasalukuyang nagrerenta sa kanyang bahay.
Ayon kay PDEA Deputy Director General Ricardo Quinto, hitsurang Chinese at Korean ang mga lalaking umuupa sa nasabing bahay.
Tinutugis na ng awtoridad ang mga suspek. (CHITO A. CHAVEZ)