NGAYONG Biyernes ay ang ikasampu sa 40 araw ng Kuwaresma bago ang Mahal na Araw, at hinihimok ng Simbahang Katoliko ang mga mananampalataya na iwasan munang kumain ng karne bilang paraan ng pagtitika—upang makabawi sa ating “personal sins and the sins of mankind.”
Mayroon ding aspetong pangkalusugan ang panawagan para sa “no-meat Friday”, ayon kay Rev. Fr. Anton Pascual, presidente ng Radio Veritas. Natukoy sa pag-aaral ng mga siyentista na ang pagbabawas sa konsumo ng karne ay maaaring makapagpahaba ng buhay, aniya. Ngunit ang kahalagahang ispirituwal ng pag-aayuno at pangingilin ang binibigyang-diin ngayong panahon ng Kuwaresma, partikular sa panahong ito na nasa gitna ng matinding hamon ang Simbahang Katoliko sa Pilipinas at ang mga pari na tinutuligsa ng mga sumusuporta sa kampanya kontra droga ng administrasyon.
Nasa 7,000 katao na ang napapaslang sa nasabing kampanya, na sinuspinde makaraang mapatay ang isang negosyanteng South Korean sa loob mismo ng Camp Crame ng umano’y ilang operatiba ng pulisya na nagpapatupad ng kampanya laban sa droga, upang ikubli ang sarili nilang ilegal na operasyon. Kaagad na sinuspinde ni Pangulong Duterte ang Oplan Tokhang matapos niyang iutos kay PNP Chief Director General Ronald dela Rosa na linisin ang hanay ng PNP mula sa mga tiwaling pulis.
Nitong Huwebes, sa kanyang pagtatalumpati sa Cebu ay muling binatikos ng Pangulo ang kaparian sa pagtuligsa sa kanyang umano’y pag-abuso sa karapatang pantao, at nanawagan sa kanila na bisitahin ang mga lulong sa droga sa kani-kanilang komunidad at kumbinsihin ang mga itong magsipagbagong-buhay na.
Inihayag ni Dela Rosa ang isang bagong kampanya para sa Oplan Tokhang Part 2 at inimbitahan ang mga pinuno ng Simbahan na makibahagi sa pamamagitan ng pagsama sa operasyon ng mga pulis. Sinabi naman ni Archbishop Oscar Cruz, dating pinuno ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), na hindi na kailangan pa ito, kasabay ng pagpapahayag ng pag-asa na sa pagbabalik ng kampanya at sa pagiging bukas ni Dela Rosa ay matutuldukan na ang mga pagpatay.
Taliwas sa matinding poot na ito ay ang pag-asam sa higit na pagkakaunawaan ngayong ginugunita ng bansa ang Mahal na Araw. Sinabi ng mga opisyal ng Simbahan na ang “no-meat Friday” ay magiging bahagi ng pagsasakripisyo at pagkadama ng kahihiyan sa padasal na paggunita sa mga naging pagsasakripisyon ni Hesukristo.
Sa panahong ito ng pagkakait sa sarili, pagsisisi sa mga nagawang kamalian at panghuhusga na may kinalaman sa kampanya kontra droga, nawa’y masumpungan natin ang taos-pusong pagbabago ngayong panahon ng Kuwaresma, upang sa pagtatapos ng Mahal na Araw ay magkakaroon tayo ng mas malinis na konsiyensiya habang higit na nagkakaisa bilang isang bansa.