SA bagong executive order (EO) na nakatakdang lagdaan ni Pangulong Duterte ano mang oras hinggil sa nationwide smoking ban, dalawa lamang ang mapagpipilian ng mga naninigarilyo: Tumigil o magpatuloy sa kanilang bisyo.
Natitiyak ko na kung sila ay titigil sa paninigarilyo, tulad ng nakakikilabot na babala ng mga doktor, makaiiwas sila sa mga sakit na dulot ng usok ng tabako; kung hindi naman sila maaawat sa paninigarilyo, maaaring hindi sila makaligtas sa nakamamatay na cancer, emphysema at iba pang karamdaman.
Sa binagong EO, mahigpit na ipinagbabawal ang paninigarilyo sa public places at sa indoor smoking areas. Ibig sabihin, halos lahat na yata ng lugar, maliban marahil sa mga tahanan, ay hindi dapat maging smoking area. Ang bagong utos ay itutulad sa Davao City model on smoking ban. Kung wala nang masusulingan ang mga maninigarilyo, mapipilitan kaya silang tumigil sa paghithit ng nakalalasong usok?
Sa pagtalakay ng nabanggit na isyu, nais kong bigyang-diin na ang pagtigil at pagpapatuloy ng mga sugapa sa sigarilyo ay sariling desisyon ng mismong mga naninigarilyo. Hindi dapat panghimasukan ang sinumang nakasadlak sa gayong bisyo.
May matatag silang paninindigan at hindi matitigatig kahit sabihin nating ang paninigarilyo ay mistulang pagpapatiwakal.
Bigla kong naalala ang isang kapatid sa propesyon na isang chain smoker; halos walang patlang ang paninigarilyo, at hindi makagulapay dahil sa asthma; laging may nakabulsang improvised ash tray kahit saan magtungo. Lagi niyang sinasabi: “Kapatid, hindi ko ikamamatay ang paninigarilyo.” walang nakapagpahinto sa kanyang bisyo hanggang sa siya ay sinawimpalad sa isang plane crash. Sumalangit nawa ang iyong kaluluwa, Kapatid.
Gayunman, marapat lamang na bigyang-diin ang intensiyon ng EO na ipatutupad ng Department of Health (DoH). Ang mahigpit na implementasyon ng pagbabawal ng paninigarilyo sa loob ng mga gusali o indoor smoking ay makatutulong nang malaki sa mga mamamayan na maaaring makasinghot ng second hand smoke o usok na ibinubuga ng mga naninigarilyo.
Sinasabing higit pang mapanganib sa kalusugan ang naturang usok.
Mahigpit din ang utos ng DoH ... sa mga gumagawa ng sigarilyo na palaging ilimbag sa kaha ang graphic health warning (GHW); ito ay larawan ng nakaririmarim na canser na bunsod ng paninigarilyo. Marami pang mahihigpit na babala ang dapat palaganapin ng DoH laban sa nakamamatay na paninigarilyo.
Sa implementasyon ng EO, dapat tiyakin kung ano ang magiging parusa sa mga maninigarilyo sa mga bawal na lugar; gayundin ang mga establisyemento, restaurant, bar at videoke bar na maaaring lihim na maglagay ng mga smoking area sa kani-kanilang mga lugar.
Natitiyak ko na ang mga naninigarilyo ay gagawa ng mga paraan upang makahithit kahit na ang ganitong bisyo ay alam nilang mistulang pagpapatiwakal. (Celo Lagmay)