Gaano nga ba kalaki ang epekto ng maling pagsasalin? At gaano nga ba kalawak ang kaalaman ng mga Pilipino sa kahalagahan ng pagsasalin?

Ipinaliwanag mismo ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan at tagapangulo ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), ang kahalagahan ng pagsasalin sa 130 wika ng Pilipinas.

Aniya, hindi biro ang pagsasalin at ito’y tungkulin ng bawat mamamayang Pilipino na maaaring magdulot ng hindi pagkakaintindihan.

“Pati nga Presidente (Pangulong Duterte) natin kailangan na ng translator. Kung minsan ay nakakalimot... puro Bisaya ang sinasabi. Kinakailangan, dapat mayroong translator sa press para makuhang mabuti ang nuance ng kanyang wika,” ani Almario.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Maging sa mga timpalak gaya ng mga beauty pageant, na karaniwang may question and answer portion, ay madalas magkaroon ng hindi pagkakaintindihan.

Ayon kay Jethro Tenorio, kawaksing tagapangulo ng Kagawaran ng Filipino ng Ateneo de Manila University, matindi na ang pangangailangan ng bansa sa tamang pagsasalin. Ito ang napatunayan niya nang magdaos ng gay beauty pageant sa kanilang barangay.

“Pag-uwi ko sa bahay, nasaktohan ko may gay beauty pageant sa tabi ng bahay namin...Sa Q&A portion at ang tanong ng host, ‘Sang-ayon ka ba sa judicial killing? O sa pagpatay sa mga taong hindi sumuko sa laban kontra droga?’ Ang nasabi ko na lang, ‘Hala, naging JK na lang, hindi na EJK!”

Sinabi ni Tenorio na kung ito’y magtutuluy-tuloy at babalewalain, tuluyang mamamatay ang 130 wika sa bansa.

“Baka kaya hindi tinututunan kasi hindi naiintindihan,” malungkot na paghayag ni Tenorio.

Bilang tugon sa pangangailangan, nagsanib-puwersa ang Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT) at Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pagbuo ng pandaigdigang kumperensiya sa Ateneo de Manila University, Quezon City, sa Setyembre 28-30.

Sa temang, “2017 Salinan Pandaigdigang Kumperensiya: Pagsasalin at Araling Pampagsasalin sa Kontekstong Lokal at Global”, tatalakayin ng mga dalubhasa sa wika mula sa iba’t ibang bansa ang mga proseso sa pagsasanay sa tamang pagsasalin. (Ellaine Dorothy S. Cal)