ZAMBOANGA CITY – Pansamantalang itinigil ang international shipping sa Polloc Port, na pangunahing daanan ng mga pandaigdigang kalakal sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), dahil sa mga pag-atake ng pirata sa mga international cargo ship sa Sulu Sea.

Ayon kay Polloc Port Manager Hexan Mabang, dahil sa pambibiktima ng mga pirata sa Sulu Sea, ilang kargamento ng semento at iba pang produkto ang sinuspinde makaraang tumanggi ang mga negosyante na magpadaan ng mga barko sa Sulu Sea patungong Polloc Port at sa iba pang pantalan sa Mindanao.

Sinabi ni ARMM Regional Board of Investments (RBOI) Chairman Ishak Mastura na sila ay “deeply concerned that the bane of piracy in the Sulu Sea has affected our international trade leading to revenue losses for the ARMM regional government, which owns and operates Polloc Port.”

Inatake kamakailan ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang isang barkong Vietnamese na patungong Polloc Port. Sinalakay ng mga bandido ang MV Giang Hai nang dumaan sa Sulu Sea, nasa 20 nautical miles sa hilaga ng Pearl Bank sa Tawi-Tawi, na bahagi ng ARMM.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ayon kay Mastura, lulan sa barko ang 4,500 tonelada ng semento mula sa Indonesia na dadalhin sana sa Polloc Port, nang lapitan ito ng motor boat na sinasakyan ng mga armadong lalaki.

Isang tripulante ng barko ang napatay, habang tinangay naman ang pitong iba pa: isang Indonesian, isang Malaysian, isang Vietnamese, isang Pinoy, isang Dutch, isang German at isang Japanese.

Nailigtas naman ng Philippines Coast Guard (PCG) ang 17 sa 25 tripulante ng barko. (Nonoy E. Lacson)