KAYBILIS ng panahon. Wika nga ng makata, mabilis ang pagkalagas ng mga dahon ng panahon. Aba, ito na ang huling araw ng Pebrero na may 28 araw lamang pala. Tapos na ang Pasko, nagdaan na ang Bagong Taon. At lumipas na rin ang Valentine’s Day o Araw ng mga Puso. Ang pagbabago ba na hinihintay natin na pangako ng ating Pangulong Rodrigo Duterte ay naririto na o nararamdaman na ninyo?

Sa wakas matatanggap na rin ng 2.2 milyong SSS pensioner ang P1,000 pension hike na ipinagkait ng administrasyon ni ex-Pres. Noynoy Aquino subalit sinikap ng administrasyon ni PDu30 na maibigay sa kanila. Ipinadala na ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang memorandum na nag-aapruba sa pagtataas ng pensiyon ng mga retirado noong Miyerkules.

Mabuhay!

Tuwang-tuwa ang mga matatanda, este SSS pensioners, nang ito ay ganap na pagtibayin ni Pangulong Duterte at malamang ang increase o dagdag na P1,000 ay retroactive mula Enero nitong 2017. Sumang-ayon si Mano Digong na itaas ang SSS pension upang makapagkaloob ng social protection sa mga retiree.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nauna rito, inihayag ni SSS chairman Amado Valdez na magkakabisa ang increase nitong Pebrero 15, pero ito ay naudlot dahil hinihintay pa ng SSS ang approval ng Malacañang. Ang orihinal na proposal ay P2,000 pension increase ngunit ito ay kinontra ng mga economic manager ni President Rody dahil lalaki ang liabilities ng SSS at madadali ang “buhay” nito o actuarial life kung hindi tataas ang kontribusyon ng mga kasapi.

Ipinaliwanag nina Budget Sec. Benjamin Diokno, Socioeconomic Planning Sec. Ernesto Pernia at Finance Sec. Carlos Dominguez na kapag ipinatupad ang P2,000 hike, ang liabilities ng SSS ay lolobo sa P5.9 trilyon mula sa P3.5 trilyon.

Ayon sa kanila, iikli rin ang “buhay” ng SSS ng 10 taon. Ayon sa SSS, may P7 bilyong halaga ng pensiyon ang ibibigay sa 2.2 milyong pensioner simula sa unang linggo ng Marso.

May mga constitutionalist at lider ng bansa ang nagpahayag ng pangamba sa isinusulong na Cha-Cha o pag-aamyenda sa Saligang Batas ng bansa ng Duterte administration. Isa na rito si Christian Monsod, dating miyembro ng 1987 Constitutional Commission na nag-draft, ng Konstitusyon noong panahon ni ex-Pres. Cory Aquino. Ayon kay Monsod, ang pagsususog sa Saligang Batas sa ilalim ni Pangulong Duterte ay maaaring maging daan tungo sa diktadurya.

Naniniwala si Monsod na ang mga problemang kinakaharap ng Pilipinas ay maaaring malutas kahit hindi baguhin ang uri ng gobyerno para maging pederalismo. Iginiit niya na hindi kailangan ang isang federal system sa bansa upang matupad ang mga pangako ng Pangulo na labanan ang krimen at illegal drugs; mabilis na pagkakaloob ng basic services; ... pakikipag-usap ng kapayapaan sa komunista at Muslim rebels, at pagtatamo ng inclusive growth o kaunlaran.

Ipinaliwanag ni Monsod na ang pederalismo ay isang “Trojan horse” para sa isang malaking pagbalasa sa Constitution upang maiakma ito sa agenda ni PDu30 sa isinusulong na pagbabago para sa mahihirap, kundi maging sa kanyang “authoritarian ways” na pangangasiwa sa bansa na isang maling pamamaraan upang matamo ang katuparan (wrong means to that end).

Kahit salungat ang ilang mambabatas, ipinasiya ng mga senador na paharapin sa Senate committee on public order and dangerous drugs si retired SPO3 Arthur Lascañas upang ilahad ang nalalaman niya tungkol sa Davao Death Squad.

Nagbanta si DoJ Sec. Vitaliano Aguirre kay Sen. Leila de Lima na maaaring siya ay maharap sa panibagong kasong kriminal kasunod ng matitinding pahayag laban kay President Duterte. (Bert de Guzman)