Inaasahang mapaparalisa ngayong Lunes ang transportasyon sa malaking bahagi ng Pilipinas dahil sa gagawing nationwide transport strike ng nasa 200,000 jeepney drivers at operators.

Paliwanag ni Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) President George San Mateo, bukod sa kanilang grupo, makikilahok din sa protesta ang Stop and Go Transport Coalition at No To Jeepney Phase Out Alliance.

Sinabi ni San Mateo na maaapektuhan ng tigil-pasada ang Metro Manila, Laguna, Sorsogon, Albay, Camarines Sur, Cagayan, Isabela at Baguio City sa Luzon; Iloilo, Aklan, Capiz, Negros Occidental, Cebu, at Leyte sa Visayas; at Cagayan de Oro City, Bukidnon, General Santos City sa Mindanao.

Magsisimula ang tigil-pasada dakong 6:00 ng umaga na tatagal hanggang gabi.

Eleksyon

11 senatorial aspirants ng Makabayan, sabay-sabay naghain ng COC

Una nang tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Metropolitan Manila Development Authority na naglatag sila ng mga hakbangin upang maiwasang labis na maapektuhan ang mga commuter, gaya ng pagbibigay ng libreng sakay sa mga mai-stranded na pasahero.

Matatandaang naparalisa ng unang tigil-pasada noong Pebrero 6 ang transportasyon sa malaking bahagi ng Metro Manila, sa patuloy na pagtutol ng mga jeepney driver at operator sa plano ng gobyerno na i-phase out ang mga lumang pampasaherong jeep. (Rommel P. Tabbad)