Sugatan ang dalawang sundalo, kabilang ang isang tinyente, sa drug raid na ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), katuwang ang Philippine Army, sa Datu Paglas, Maguindanao, kahapon.

Ayon sa report ni Lt. Col. Harold Cabunoc, commander ng 33rd Infantry Brigade, dakong 7:46 ng umaga nang ikasa ng mga awtoridad ang pagsalakay.

Nakilala ang mga nasugatan na sina 1Lt. Marc Fernandez at PFC Chester Masicampo, kapwa ng Bravo Company ng 33rd Infantry Battalion ng Philippine Army.

Ayon kay Cabunoc, nagsagawa ng drug raid ang PDEA-Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), katuwang ang militar nang sumiklab ang engkuwentro sa Barangay Lipao, Datu Paglas.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Tumagal ng isang oras ang sagupaan, at napilitan lang na umatras ang mga suspek nang dumating ang karagdagang puwersa ng sundalo at pulis.

Naaresto ang dalawa sa mga suspek, at nakumpiska sa mga ito ang isang M16 armalite rifle at 80 gramo ng shabu.

Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang mga kasamahan ng dalawang nadakip. (Fer Taboy)