UMISKOR ng header sa first half si Nicolas Ferrer upang sandigan ang Far Eastern University kontra La Salle, 1-0, nitong Huwebes sa UAAP Season 79 men’s football tournament sa Moro Lorenzo Field sa Quezon City.
Naipasok ni Ferrer ang una niyang goal ngayong season matapos ang isang cross pass mula kay Paolo Bugas sa ika-34 minuto at panatilihin ang malinis na karta ng Tamaraws.
Tangan ng FEU ang kabuuang 12 puntos para panatilihin ang kapit sa No.2 sa likod ng nangungunang Ateneo (15 puntos).
“I think the team is slowly accepting the change in the system,” ayon kay FEU coach Vince Santos. “We have a long season to go. We have to work on our finishing.”
Nauna rito, ginapi ng University of Santo Tomas ang Adamson University,3-0, para umangat sa solong ikaapat na puwesto taglay ang anim na puntos. (Marivic Awitan)