Binalaan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang publiko, lalo na ang mga namamanata at mahihilig sa outdoor activities, laban sa pag-akyat sa Mount Banahaw sa Quezon sa Mahal na Araw dahil may mga grupong nag-aalok ngayon ng libreng biyahe patungo sa sinasabing banal na bundok.
Ayon kay Salud Pangan, nakatalagang DENR Park Superintendent sa Mt. Banahaw at Mt. San Cristobal, walang ibinibigay na permit ang kagawaran sa mga grupong nais na magtugo sa dalawang bundok dahil nananatiling “off-limits” sa publiko ang mga ito.
Inihayag ng DENR na bago isinara sa publiko ang dalawang banal na bundok ay libu-libong namamanata ang nagtutungo sa lugar taun-taon, partikular tuwing Semana Santa, upang mag-alay ng dasal at magnilay-nilay na rin sa piling ng kalikasan.
Idinahilan din ng DENR na ipinasya ng kagawaran na isara noong 2004 sa publiko ang mga daanan patungo sa dalawang bundok, sa pamamagitan ng pagbabakod ng barbed-wire sa mga ito, upang masimulan nila ang programang naglalayong maibalik ang likas na ganda nito.
Matatandaang nagdesisyon din noong nakaraang taon ang Mounts Banahaw-San Cristobal Protected Landscape-Protected Area Management Board na palawigin pa ang pagsasara sa naturang mga bundok hanggang sa Pebrero 2019 upang maprotektahan din ang ipinatutupad nilang reforestation at rehabilitasyon sa lugar. (Rommel P. Tabbad)