Ang bawat pamilya ng mga namatay sa naaksidenteng bus sa Tanay, Rizal nitong Lunes ay tatanggap ng P200,000 mula sa bus company na nabigong maihatid nang ligtas ang 60 estudyante ng Best Link College of the Philippines sa pupuntahang camping site.
Sinabi kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nangako ang Panda Coach Tourist and Transport, Inc. na magkakaloob ng kompensasyon sa mga naulila ng mga namatay.
Sa isang interview, sinabi ng LTFRB board member at spokesperson na si Atty. Aileen Lizada na nagpahayag sa kanila ang isa sa mga opisyal ng Panda Coach na makikipagtulungan at mag-aabot ng tulong sa abot ng makakaya nito.
Sinabi ni Lizada na ang Panda Coach, sa pamamagitan ng insurance company nito, ay nag-release ng panimulang P50,000 para sa bawat pamilya ng mga nasawi sa aksidente. “I saw the check, P750,000 (for all the deaths),” pagkumpirma ni Lizada.
Sinabi niya na sisimulang ibigay ng Panda Coach ang initial cash assistance sa bawat pamilya ngayong Huwebes, Pebrero 23.
KONDISYON NG BUS
Nag-isyu ang LTFRB ng 30-day preventive suspension order sa Panda Coach habang sinisiyasat ang aksidente.
Sinabi ni Lizada na nagsasagawa sila ng parallel investigation sa insidente pero wala pa silang natatanggap na ulat kung ang naaksidenteng bus ay may diperensiya o second-hand.
Sinabi rin ni Lizada na maayos ang mga papeles ng Panda Coach. Valid din ang prangkisa nito hanggang Hulyo 19, 2019.
Ayon sa records na nakuha ng Balita sa LTO, ang Panda Coach bus na naaksidente ay 2004 model, at ipinarehistro sa LTO noong 2016.
May patakaran ang gobyerno na ang bus na 15 taon o mahigit nang bumibiyahe ay hindi na pinahihintulutang magsakay ng mga pasahero.
Ipinatawag ng LTFRB ang operator nito, ganoon din ang mga opisyal ng Best Link College at Haranah Tours – ang operator na may sub-contract sa Panda – sa hearing sa Martes, Pebrero 28, upang magpaliwanag hinggil sa naturang scheme. (Vanne Elaine P. Terrazola)