CAMP BADO DANGWA, Benguet – Apat na pulis at isa sa mga most wanted sa bansa dahil sa pagkakasangkot sa patung-patong na krimen ang napatay, habang tatlong pulis pa ang nasugatan makaraang makipagbakbakan ang mga awtoridad sa grupo ng suspek sa Lubuagan, Kalinga, kahapon ng umaga.

Pinangunahan ni Kalinga Police Provincial Office (PPO) director Senior Supt. Brent Madjaco ang pagsisilbi ng warrant of arrest, bandang 7:30 ng umaga, sa Sitio Malusong, Barangay Canao, Lubuagan, laban kay Willy Sagasag, na may P600,000 na patong sa ulo at wanted sa murder, multiple murder, frustrated murder, at robbery with violation or intimidation of persons sa iba’t ibang korte sa Cordillera at sa mga kalapit na rehiyon.

Sinabi ni Madjaco na pinaulanan ng bala ng mga miyembro ng sindikato ni Sagasag ang kanilang tropa, kasama ang mga operatiba ng iba’t ibang unit ng Kalinga PPO, ngunit nakorner at napatay pa rin nila ang suspek.

Gayunman, apat na pulis ang nasawi sa bakbakan, habang tatlong iba pa ang malubhang nasugatan.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Hindi naman natukoy ang bilang ng mga tauhan ni Sagasag na nasugatan ngunit nagawang makatakas.

Kinilala ang mga nasawing pulis na sina PO3 Cruzaldo Lawagan, PO1 Jovenal Manadao Aguinaldo, PO1 Charles Ryan Dongui-is Compas, at PO1 Vincent Tay-od.

Sugatan naman sina Senior Insp. Eduardo Liclic, PO1 Ferdie Liwag at PO1 Ferdinand Asuncion. (RIZALDY COMANDA)