ISANG sports competition para sa mga persons with special needs ang ilalarga ng isang church group upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kababayan na makapag-interact sa isa’t isa.

Ayon kay Fr. Charlton Viray, superior ng Servants of Charity, ang naturang Special Olympics ay kinabibilangan ng basketball (shooting), board games at iba pang indoor games, gayundin ang track and field.

Nakatakda itong idaos sa Kapitolyo sa Pasig City sa Marso 25 at inaasahang dadaluhan ng may 20 residente mula sa Guanella Home for Special Children, isang center para sa mga abandoned at less fortunate at intellectually disabled persons, na pinamamahalaan ng Servants of Charity sa Tandang Sora, Quezon City.

Ang mga indibidwal na lalahok sa Special Olympics ay yaong may mga Down syndrome, mental retardation, autism, Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD), at global development delay.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Taunan aniya nilang ginagawa ang Special Olympics upang maiparamdam sa mga naturang ‘espesyal na indibidwal’ na hindi sila nag-iisa.

Pinayuhan din ni Viray ang mga pamilya na may miyembrong may kahalintulad na kalagayan na maging involve sa mga support groups at communities na tulad ng Guanella Home for Special Children, na isang all-male home sa 20 abandoned at less fortunate individuals na may intellectual disabilities.

“The center is committed to providing its residents with a ‘lifetime home’,” ani Viray. “We are committed to them as long as they live.”

Masaya rin namang ibinalita ni Viray na ilang residente ng Guanella Home for Special Children ang nakatakda ng magtapos sa isang special education course ngayong summer. (Mary Ann Santiago)