Todo-tanggi ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa napaulat na magkakaroon ng aabot sa magnitude 9 na lindol sa Cagayan Valley.

Ito ang naging paglilinaw ni Phivolcs Director Renato Solidum, Jr. sa balitang nag-viral sa social media na nagsasabing makararanas ng ‘The Big One’ o malakas na lindol ang Tuguegarao City, Aparri at Sta. Ana sa Cagayan.

Paglilinaw ni Solidum, walang ipinalalabas na anumang forecast ang Phivolcs kaugnay ng posibleng pagtama ng malakas na lindol sa Cagayan Valley.

Aniya, wala pang naitala sa kasaysayan na niyanig ng malakas na lindol ang lalawigan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Kaugnay nito, hinimok ni Solidum ang publiko na mahalaga pa ring paghandaan ang pagtama ng malakas na lindol sa bansa, lalo na sa mga saklaw ng mga fault line.

Pinayuhan din ni Solidum ang publiko na sumunod sa mga abiso ng Phivolcs at iba pang kinauukulang ahensiya ng gobyerno kaugnay ng mga dapat gawin kapag lumilindol o matapos ito.

Ito ay dahil wala aniyang makatutukoy sa panahon at lugar ng eksaktong pagtama ng “The Big One” sa bansa.

(Rommel P. Tabbad)