NAIULAT na may bumaril sa convoy ng mga sundalo sa Surigao del Norte. Nakita ng mga taga-ABS-CBN na nasa sasakyang sumusunod sa convoy ang kislap ng mga putok na nagbubuhat sa kasukalan.
Dahil ang mga NPA lamang daw ang armadong grupo na nag-ooperate sa lugar na ito, ibinibintang ang pananambang sa mga ito. “Dapat sundin ng NPA,” wika ng pinuno ng militar, “ang ipinangako nilang unilateral ceasefire.” Dahil nga sa naganap na lindol, upang lubusan ang pagdaloy ng tulong sa mga biktima, nagdeklara ng unilateral ceasefire ang NDF-CPP-NPA sa Surigao. Nagpahayag din si Pangulong Digong na bukas pa rin siya sa pagkikipag-usap sa mga rebeldeng komunista ukol sa kapayapaan.
Itinanggi ng mga rebeldeng komunista ang bintang sa kanila na pananambang sa convoy ng mga sundalong nagsasagawa ng relief operation. Hindi maiaalis na sa kanila ibintang ang nangyari dahil mayroon talagang gustong sirain ang pagnanais nating mga Pilipino na magkasundo at magkaisa. Ang ginagawang kasunduan para sa kapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at NDF-CPP-NPA ay daraan sa butas ng karayom. Hahadlangan ito ng mga nakikinabang sa ating pagkakawatak-watak, lalo na ang mga dayuhan.
Ang hindi ko naman maintindihan kay Pangulong Digong ay kung bakit hindi siya nagreklamo nang tawagin ang kapwa niya Pilipino na mga terorista.
Kamakailan, inilabas ng Amerika ang listahang nagkakategorya sa NDF-CPP-NPA na terorista. Galit si Pangulong Digong na pinakikialaman tayo ng dayuhan. Katunayan nga, lahat ng masamang salita at panlalait ay naririnig sa kanya laban sa mga dayuhang bumabatikos sa kanya sa kanyang pakikidigma sa ilegal na droga. Kung talagang ayaw ng Pangulo na pakialaman tayo ng mga dayuhan at itinataguyod nga niya ang independent foreign policy, kinamuhian niya rin iyong ginawa ng Amerika na ang kapwa nating Pilipino ay tawagin at ikonsidera na mga terorista.
Isa kasi itong epektibong paraan para paghati-hatiin tayo at magpatayan upang hindi natin maihanap ng tunay na lunas ang problema nating mga Pilipino. Walang nakakaalam at walang makalulutas ng ating suliranin ayon sa ating sariling interes kundi tayong mga Pilipino.
Ang rebelyon o armadong pakikidigma ng ilang grupo sa atin para sa pagsulong ng simulain at prinsipyong ang layunin ay layunin din nating lahat na mapaunlad ang ating bansa at mapabuti ang buhay ng lahat ay hindi terorismo kundi bahagi ng sistema ng ating pulitika. Si Pangulong Jefferson ng Amerika ang mismong nagsabi na mahalaga ang mga ganitong kilusan sa isang demokrasya. Para itong sariwang tubig na idinidilig sa puno ng demokrasya upang ito ay lumakas at yumabong. (Ric Valmonte)