BUTUAN CITY – Nasa 11,277 pamilya o 52,147 indibiduwal ang muling naapektuhan ng pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng Caraga Region dahil sa tuluy-tuloy na pag-ulang dulot ng tail-end of the cold front (TECF) simula nitong Pebrero 15.
Batay sa paunang report sa quick regional response and monitoring center regional office ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Region 13 sa Butuan City, may bagong 1,146 na pamilya o 4,714 na katao ang sinusubaybayan ngayon ng mga quick response team (QRT) at Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC) ng pamahalaang panglalawigan ng Agusan del Norte at Butuan City.
Sa flash report na nakalap ng Balita mula sa DSWD-13 kahapon, nasa 1,006 na pamilya o 4,014 na katao ang nakatuloy na sa iba’t ibang evacuation center, habang 140 pamilya ang piniling makituloy sa kani-kanilang mga kaanak at kaibigan na hindi naapektuhan ng pagbaha.
Ayon sa DSWD-13, pinagkalooban na rin ng mga family food pack at iba pang pangangailangan ang evacuees.
“Our responding teams are already in their respective positions to assist different local government units for their request,” sabi ni DSWD-13 Director Mita Chuchi G. Lim.
Apektado ng bahang dulot ng TECF ang mga munisipalidad ng La Paz, Talacogon, San Francisco, Rosario, Trento at Sta. Josefa, pawang sa Agusan del Sur; San Miguel, Madrid, Lanuza at Bislig City, sa Surigao del Sur; at Remedios Trinidad Romualdez at Butuan City sa Agusan del Norte.
Nagsasagawa pa rin ng paglilikas sa mga pamilyang malapit sa mga ilog, dalampasigan at mabababang lugar sa Butuan City.
Pawang nagsipagdeklara na ng suspensiyon ng klase sa lahat ng antas ang mga bayan at siyudad na apektado ng baha simula nitong Pebrero 16. (Mike U. Crismundo)